Masikip na sa langit
SA karaniwang tanaw, aakalain na maluwag at malinis ang kalangitan lalo na kung maaliwalas ang panahon. Masakit sa mata kung walang proteksiyon, ngunit mababanaagan ang buong sikat ng araw, kitang-kita ang Buwan kung hindi maulap, at tila kanbas na itim sa gabing maliwanag, punumpuno ng kumikislap na mga bituin. Bukod dito ang mga lumilipad na ibon, eroplano, lobo, drones, at paminsan-minsang mga bulalakaw.
Subalit sa kasalukuyan, dumami na rin ang maaaring makita sa kalangitan: ang tinatawag na satellite o satelayt, na sa sariling wika ay maaaring tawaging buntabay. Ang mga ito ay lumulutang sa mataas na bahagi ng daigdig, sa tinatawag na low Earth orbit (LEO), na karaniwang nasa layong humigit-kumulang 1,200 milya o 2,000 kilometro mula sa lupa, bagama’t may mga satellite rin na nasa mas mataas na orbit, tulad ng geostationary orbit na umaabot sa 35,786 kilometro.
Marami kasing pakinabang ang mga satellite. Pinapalakas nila ang signal ng internet, telebisyon, radyo at telepono, at nagagamit sa maraming klase ng komunikasyon. Mahalaga rin ang mga ito sa pagtataya ng panahon, pagmamanman ng kalikasan, obserbasyon sa kapaligiran, paglalakbay gamit ang GPS, at pananaliksik sa agham at teknolohiya.
Mula nang mailunsad ang unang artificial satellite, ang Sputnik ng Soviet Union noong 1957, tuluy-tuloy ang paglago ng orbital population. Umabot sa halos 2,000 satellites sa kalawakan noong 2019, at sa kasalukuyan, tinatayang umaabot na sa 15,000 ang umiikot sa orbit ng daigdig. May maliliit at malalaki, pag-aari ng iba’t ibang bansa at ng mga pribadong kumpanya.
Hanggang Hunyo 2025, pag-aari ng Estados Unidos ang 8,530 satellite sa LEO, 1,559 ang Russia, 902 ang China, at may sariling satellites rin ang Pilipinas, Canada, Chile, Denmark, Brazil, Japan, Italy, South Korea, Malaysia, Spain, Saudi Arabia, United Kingdom at iba pa.
Kung sa ordinaryong mata lang titingnan mula sa lupa, maaaring makita ang ilang satellite sa dapit-hapon o madaling-araw, lalo na kapag maliwanag ang kalangitan at nasa tamang anggulo ang araw upang ma-reflect ang liwanag nito. Naklialito sa mga hindi sanay sa mga ganitong tanawin kung bituin ba, bulalakaw, o satellite ang natatanaw.
Ang bituin ay karaniwang kumikislap at nakatigil sa posisyon, ang satellite ay dahan-dahang gumagalaw sa iisang direksyon nang steady ang liwanag, samantalang ang bulalakaw ay mabilis, may maikling trail, at biglang nawawala sa tanawin.
Ngunit may mga satellite na naluluma, nasisira, o hindi na nagagamit sa katagalan ng panahon. Ang ilang LEO satellites ay pinabababa sa orbit at nasusunog sa atmospera, ngunit marami rin ang hindi kayang ibaba, at hinahayaan na lang lumutang sa kalawakan.
Ang mga ganitong lumang satellite ay nagiging bahagi ng tinatawag na space debris, o basura sa kalawakan, na maaaring makasagasa sa iba pang satellite o spacecraft kung hindi mababantayan.
Lumabas ang isang bagong hamon sa pananaliksik ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ng United States. Nakokontamina ang mga imaheng nakukunan ng mga telescope para sa malalayong bahagi ng kalawakan dahil sa liwanag na nagmumula sa mga satellite sa LEO. Dahil dito, napahihirapan ang mga astronomo sa pagkuha ng malinaw at walang sagabal na data, isang hamon sa modernong astronomy.
Masasabing unti-unti nang nagiging “masikip” ang langit. Habang patuloy na dumarami ang mga satellite, lumalala rin ang isyu ng space debris. Ang kalangitan ay hindi na lang tanawin; ito rin ay arena ng mga teknolohiyang nagpapaunlad sa komunikasyon, pag-aaral ng kalikasan, at pananaliksik, ngunit nangangailangan din ng matinding pagmamatyag at pangangalaga sa seguridad ng mga umiikot na kagamitan sa kalawakan.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest

















