Bakit may kaopisina kang sipsip at maninira?
SA loob ng modernong workplace, karaniwan ang presensya ng mga indibidwal na gumagamit ng hindi etikal na paraan upang umangat, kabilang ang pagsipsip sa nakatataas at paninira sa kapwa empleyado.
Una, malinaw na ang self-preservation o instinct na protektahan ang sariling posisyon ang pangunahing puwersang nagtutulak sa kanila. Kapag nakakaramdam ang isang tao ng banta, maaaring dahil sa kakulangan sa kakayahan, takot sa kompetisyon, o pakiramdam na hindi sila napapansin, gumagamit sila ng estratehiyang madaling makapagbibigay ng benepisyo. Ang pagiging sipsip sa nakatataas ay nagiging shortcut upang makakuha ng validation o proteksiyon.
Ikalawa, malaking bahagi rin ang ginagampanan ng inferiority complex. Ang taong mababa ang kumpiyansa sa sarili ay mas madaling gumamit ng destructive methods tulad ng paninira. Sa teoryang projection, inililipat nila ang sariling kahinaan patungo sa iba upang mailihis ang pansin sa sariling kakulangan. Sa halip na pagbutihin ang performance, mas nagiging madali para sa kanila ang manipulasyon ng social dynamics dahil dito sila mas komportable at sanay.
Ikatlo, ang pangangailangan para sa external validation ay nagpapalalim pa ng problema. May mga empleyadong lumaki sa kapaligirang ang sukatan ng halaga ng pagkatao ay nakasalalay sa pag-apruba ng authority figure: magulang man, guro, o amo. Kapag naisalin ito sa workplace, nagiging default nila ang pagsipsip dahil sa paniniwalang mas magiging ligtas at tanggap sila kung palagi silang “nakikita” at “nadadama” ng nakatataas. Sa ganitong kaso, ang pagsipsip ay hindi lamang gawi; ito ay coping mechanism.
Hindi rin maikakaila ang impluwensiya ng organizational culture. Kapag ang kultura ng opisina ay nagpapakita ng favoritism, at pulitika, lumalakas ang loob ng mga sipsip at maninira. Ito ay halimbawa ng behavioral conditioning: kung ang mga ganitong asal ay nagbubunga ng promosyon, magandang assignment, o atensyon, natural lamang na paulit-ulit itong gagawin. Ang problema ay hindi lamang nasa indibidwal, kundi sa sistemang nagre-reward ng maling pag-uugali.
Panghuli, ang kakulangan sa emotional intelligence ay nakapagpapalala ng sitwasyon. Ang taong hirap kilalanin at kontrolin ang sariling emosyon—tulad ng inggit, galit, o pagkadismaya, ay may tendency na manira at mang-intriga. At dito nag-uugat conflict at tsismis sa workplace.
- Latest



















