‘Kabayo’ (Part 7)
ISANG tanghali, naisipan kong mamasyal muli sa taniman ni Lolo Pedro. Balak kong puntahan ang taniman ng lansones na noon ay pawang hinog na ang mga bunga. Ang lansonesan na lamang ang hindi ko pa napupuntahan. Napuntahan ko na ang manggahan, guyabanuhan at ang sineguwelasan. Medyo malayo ang lansonesan kaya hindi ko napuntahan noong isang araw.
Pagtungo ko sa kuwadra ni Blackie ay nagtaka ako—nasa labas si Blackie. Baka inilabas ni Lolo at pinakain ng honey. Sabi ni Lolo, regular niyang pinakakain ng honey ang mga kabayo para maging malakas.
Nang lapitan ko si Blackie ay nakatingin ito sa akin. Parang may isip si Blackie.
Sumakay ako. Nirendahan ko patungo sa lansonesan. Mabilis kaming nakarating sa lansonesan.
Tuwang-tuwa ako habang namimitas. Hindi na ako bumaba kay Blackie at itinapat ko na lang sa punong lansones at pitas ako nang pitas at kumakain. Napakatamis. Hinog sa puno.
Nang mabusog, ipinasya ko ng umuwi.
Pero nang pauwi, ang hanay ng mga punong balete na naman ang dadaanan ko. Ang aking pinagtataka, hindi ko ito nadaanan kanina. (Itutuloy)
- Latest















