Project employee na tinanggal, may habol ba?
Dear Attorney,
Isa po akong project employee na kamakailan lang ay tinanggal dahil tapos na ang phase ng proyekto kung saan ako naka-assign. Maaari ba akong magsampa ng illegal dismissal? Nabalitaan po kasi naming mga natanggal na kumukuha pa rin ng mga bagong trabahador para doon sa ibang phase nung project. — Romel
Dear Romel,
Maaring may basehan ka para magsampa ng illegal dismissal kung maihahalintulad ang sitwasyon mo sa kaso ng Coogee International Inc. v. Maningo et al. (G.R. No. 264881, 16 July 2025).
Sa nasabing kaso, napagdesisyunan ng Korte Suprema na illegal ang pagkakatanggal sa mga project employees dahil nabigo ang employer na patunayan na tapos na ang proyekto na siyang saklaw ng kanilang kontrata.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na ang mga dokumentong ipinresenta ng employer upang mapatunayang tapos na ang proyektong tinatrabaho ng mga empleyado, katulad ng Certificate of Final Acceptance at Notices of Project Completion, ay tumutukoy lamang sa Lot 1, Phase 1 ng proyekto.
Ayon sa Korte Suprema, hindi sapat ang mga ito dahil ang kontrata ng mga manggagawa ay hindi naman nililimita ang kanilang mga trabaho sa Lot 1, Phase 1 lamang, kundi sa buong structural works ng proyekto ng walang anumang pagbanggit sa anumang phase o bahagi nito. Dahil dito, hindi napatunayan ng employer na tapos na talaga ang proyekto na siyang nakasaad sa kontrata ng mga manggagawa.
Nabanggit din sa desisyon ng Korte ang patuloy na pagkuha ng mga bagong helper para sa ibang phase ng proyekto matapos tanggalin ang mga manggagawa. Para sa Korte, malinaw na palatandaan ito na hindi pa tapos ang proyekto kaya masasabi talagang premature at walang sapat na batayan ang dismissal ng mga nagreklamong project employees.
Kaya basahin mo ang iyong project-based employment contract. Kung nakasaad doon na ang trabaho mo ay limitado lamang sa isang phase o sa kung anumang bahagi ng proyekto, at ang nasabing phase o bahagi ng proyekto ay tapos na naman talaga, maaring wala kang sapat na basehan para mag-reklamo ng illegal dismissal. Ngunit kung wala namang binabanggit sa iyong kontrata at walang limitasyon kung saan ka man ma-assign sa buong proyekto ay maaring may basehan ka para magsampa ng illegal dismnissal, base sa kaso ng Coogee International Inc. v. Maningo et al.
- Latest















