Kasambahay na robot, sumusulong
SA mga bansang mauunlad gaya ng United States, Japan, China, at mga bansa sa Europe, patuloy ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiyang naglalayong gawing bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang mga robot.
Isa sa mga matagal nang pinag-eeksperimentuhan ay ang mga makinang kahawig ng tao—tinatawag na humanoid robots—na dinisenyong makagawa ng mga karaniwang gawaing bahay tulad ng paglalampaso ng sahig, paghuhugas ng pinggan, pagliligpit ng mga damit, paglalaba, pagluluto, pagsasalansan ng mga gamit, pagbubukas ng pinto, at maging pagbabantay sa bahay o sa mga matatandang may karamdaman.
May mga kompanya na ring nakapagpakita ng prototype ng ganitong uri ng robot. Isa rito ang tinatawag na Figure 01, isang humanoid robot na gawa ng isang U.S. company at inaasahang ilalabas sa merkado sa susunod na taon. Kayang magbuhat, maglakad, magsalita, at tumugon sa mga utos ng tao gamit ang artificial intelligence (AI).
Sa halagang humigit-kumulang $20,000 (mahigit P1 milyon), maaari nang magkaroon ng robot na kasambahay—bagaman may opsyon ding bayaran ito ng tig-$499 kada buwan.
Sadyang pangmayaman pa sa ngayon ang ganitong uri ng teknolohiya. Ngunit tulad ng ibang umuusbong na makabagong teknolohiya, malamang na magbabaan din ang presyo ng makinang kasambahay kapag dumami ang mga kumpanyang gagawa at dumarami ang gumagamit nito.
Sa maraming bansa, isa sa mga dahilan kung bakit pinaglalaanan ng malaking puhunan ang ganitong uri ng AI ay ang kakulangan ng mga kasambahay o caregiver. Sa U.S. halimbawa, tinatayang aabot sa mahigit tatlong milyon ang kakulangan ng mga home care workers pagsapit ng 2030, ayon sa U.S. Bureau of Labor Statistics.
Sa Japan naman, aktibong tinutustusan ng pamahalaan ang mga proyekto ng robotikang makatutulong mag-alaga sa mga matatanda. Ang ilang unibersidad ay gumagamit na ng soft robotics—mga robot na may malambot na galaw at sensor na kayang makaramdam ng presyon—upang maging mas ligtas sa pakikisalamuha sa tao.
Kapag tuluyang naabot ng teknolohiya ang antas ng pagiging abot-kaya ng bulsa at maaasahan, maaaring hindi na kailanganin ng tao ang tradisyonal na kasambahay. Makina na ang maglalampaso, magluluto, at magbabantay sa bahay. Baka hindi na kumuha halimbawa ng Pinay Domestic Helper ang mga bansa sa Middle East, Hong Kong, at Singapore.
Para sa Pilipinas, na isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng mga overseas Filipino workers na domestic helper, maaaring mabawasan, kung hindi man tuluyang mawala, ang ganitong uri ng trabaho sa ibang bansa. Kasabay nito, mawawala rin ang maraming isyung karaniwang kaakibat ng pagiging kasambahay abroad—tulad ng pang-aabuso, pagsasamantala, at hindi makataong pagtrato na ilang dekada nang suliranin.
Sa kabilang banda, tila wala pang seryosong nagtatangkang gumawa ng robot na yaya—isang makinang kayang mag-alaga ng sanggol o maliit na bata. Bukod sa pagiging komplikado ng ganitong tungkulin, sensitibo rin ito sa emosyon at instinct ng tao. Hindi madaling ipagkatiwala ang isang sanggol sa robot na walang tunay na damdamin, kahit gaano pa ito katalino o kahusay tumugon sa utos.
Kahit dito sa Pilipinas, pahirapan na rin ang paghahanap ng katulong—epekto na rin marahil ng sitwasyon na maraming Pinoy ang mas pinipiling magtrabahong kasambahay sa ibang bansa. Kaya baka dumating ang panahong robot na katulong ang sagot sa ganitong problema sa ating bansa?
---------
Email: [email protected]
- Latest




















