^

Punto Mo

Masamang sistema

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MADALAS nating marinig ang katagang, “nilamon na ng masamang sistema” upang tumukoy sa mga taong matuwid bago pumasok sa gobyerno, ngunit nang lumaon ay naging baluktot at tiwali dahil napasakop na rin sa umiiral na tiwaling sistema.

Ang tawag dito ng psychologist na si Philip Zimbardo ay Lucifer Effect, isang kalagayan kung saan ang mabubuting tao’y natututong gumawa ng masama dahil sa impluwensiya ng sitwasyon at kapaligiran. Si Lucifer ay isang anghel na nagrebelde sa Diyos, pinatapon mula sa langit, at naging simbolo ng kasamaan.

May mga matuwid na hindi kinaya ang tiwaling sistema sa gobyerno kung kaya’t nagpasiyang magbitiw at pumasok sa pribadong sektor. Sayang, sapagkat dapat sana’y pinakinabangan ng gobyerno ang kanilang talino at katapatan.

Mayroon din namang piniling manatiling tapat habang nagseserbisyo sa gobyerno, ngunit tiyak na ang mga ito’y nakakaranas ng pangungutya, panggigipit, at mabagal na pag-asenso. Ang mga ito ang tahimik at hindi nakikilalang mga bayani. Kaya kung may mga tiwali sa gobyerno, mayroon din namang mga bayani.

Para maging regular sa gobyerno, ang isang empleyado ay kailangang civil service eligible, board passer, nakapasa sa iba pang mga pagsusulit, at may plantilla item o position. Ito ang mga empleyadong kwalipikado.

Mayroon din namang nakapasok sa gobyerno na ang tanging kwalipikasyon ay may malakas na backer. Sila ang mga tumutugon sa kasabihang, “hindi mahalaga kung ano ang nalalaman mo, ang mahalaga’y kung sino ang kakilala mo.”

Mahalaga ang competence o kakayahan, ngunit para sa akin, ang dapat na pangunahing kwalipikasyon ay ang character o pagkatao at commitment o katalagahan. Nagsisimula ang lahat sa recruitment. Ang dapat na nare-recruit sa serbisyo publiko ay mga aplikanteng matatag ang character at ang passion ay ang pagseserbisyo.

Ang character ay nasusukat sa value system—ito ang mga paniniwala’t prinsipyo na gumagabay sa kaasalan, pagpapasiya, at paghuhusga ng isang tao kung ano ang tama at mali.

Kabilang sa dapat pinahahalagahan ng isang taong-gobyerno ay ang katapatan, integridad, katuwiran, katarungan, pagmamalasakit, simpleng pamumuhay, paglilingkod, nasyonalismo, at pagiging maka-kalikasan.

Ang malaking hamon ay kung paano aalamin ang character at value system ng isang aplikante at kung paano maitatatag sa gobyerno ang isang kulturang magpapahalaga sa mga nabanggit na katangian at tutuldok sa kultura ng katiwalian.

Sobra na ang katiwalian sa gobyerno na hindi na ito makukuha sa patapal-tapal, kung baga sa mabigat na sakit, kailangan na ang surgery o operasyon. Mangangailangan din ng mahaba-habang panahon.

Namulat na ang mga mamamayan, lalo na ang ating mga kabataang estudyante. Dahil sa pagkakamulat, sila’y nakikisangkot na. Mahalagang magpatuloy at lumawak pa ang pakikisangkot na ito, sapagkat ang mamamayan ang tunay at pinakamakapangyarihang tanod ng bayan, higit pa kaysa sa Ombudsman.

Pamilya, eskwelahan at simbahan ang may pinakamalaking magagawa para makalikha ng mga kabataang may mabuting pagkatao. Sa kanilang hanay manggagaling ang irerecruit sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, sa mga government corporations, sa AFP at PNP, at tatakbo sa iba’t ibang puwesto na tulad ng Presidente, senador at kongresista.

Mahabang proseso, ngunit dapat ay simulan na ngayon ang tunay na pagbabago na kailangang kasangkutan ng lahat ng mamamayang Pilipino. Kung hindi ito gagawin ngayon, baka wala ng bukas. Baka lamunin na tayong lahat nang masamang sistema!

SISTEMA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with