Ang orasan ng kaligayahan
MAY isang matandang imbentor na nakatira sa gitna ng lungsod. Sikat siya dahil sa kaniyang mga kakaibang likha: mga makinang kayang tumugon sa boses, mga ilaw na sumusunod sa tugtog, at higit sa lahat, isang orasan na ayon sa sabi ng mga tao ay kayang magbigay ng kaligayahan.
Isang araw, isang mayamang negosyante ang dumating sa kanyang bahay dala ang malaking sako ng ginto.
“Matandang imbentor,” sabi niya, “ibenta mo sa akin ang orasan na iyan. Gusto kong maramdaman muli ang saya. Sa dami ng negosyo ko, parang wala na akong gana sa buhay.”
Ngumiti ang matanda. “Hindi ito nabibili, Ginoo. Ngunit kung gusto mo, maaari mong gamitin, may isang kundisyon lamang.”
“Ano iyon?” tanong ng negosyante.
“Kailangan mong maghintay dito sa aking bahay ng isang buong araw, nang walang cell phone, walang katulong, walang meeting. Titigan mo lang ang orasan at pakinggan mo ang sarili mong paghinga.”
Napailing ang negosyante. “Isang araw lang? Madali ‘yan!”
Lumipas ang mga oras. Una, nainip siya. Naglakad-lakad, nagreklamo, paulit-ulit na tinitingnan kung anong oras na. Ngunit habang tumatagal, napansin niyang mas malinaw ang huni ng mga ibon, mas magaan ang hangin, at mas mabagal ang tibok ng kanyang puso. Nang sumapit ang gabi, ngumiti siya nang walang dahilan, matagal na niyang hindi nagagawa iyon. Kinabukasan, sinabi niya sa matanda, “Hindi ko alam kung anong hiwaga ng orasan mo, ngunit naramdaman kong parang nawala ang bigat sa dibdib ko.”
Ngumiti ang matanda. “Wala namang hiwaga ang orasan, Ginoo. Isa lang ‘yang karaniwang orasan na gawa sa kahoy. Ang hiwaga ay nasa oras na matagal mo nang hindi binibigay sa sarili mo.”
- Latest















