EDITORYAL - Class suspension bilang paghahanda sa lindol

MAY mga probinsiya sa bansa na nagsuspende ng klase dahil sa sunud-sunod na paglindol. Kabilang ang Laguna sa nagsuspende ng klase—halos kalahating buwan mula Oktubre 14-31. Ayon kay Laguna Governor Sol Aragones, sinuspende niya ang face-to-face classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan bilang pag-iingat sa posibleng pagtama ng The Big One. Kabilang ang Laguna sa tinatahak ng West Valley Fault.
Ayon kay Aragones, ang pagsuspende ng klase ay dumaan sa mga konsultasyon at pakikipag-ugnayan sa disaster management teams. Nagsagawa rin umano ng pag-analisa sa mga datos. Ito raw ay para matiyak na magiging ligtas ang lahat, hindi lamang ang mga estudyante kundi lahat ng mamamayan sa Laguna.
Sinabi naman ng Coordinating Council of Private Educational Associaton (COCOPEA) na dapat makipag-coordinate muna ang local government units sa Department of Education (DepEd) bago magsuspende ng klase. Ang DepEd ang may kapangyarihan sa pagpapatupad ng mga polisiya. Una nang sinabi ng DepEd na ang matagal na suspension ng klase ay makapuputol sa paglawak ng kaalaman ng mga estudyante.
Inihayag naman ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) na ang madalas na class suspension ang dahilan para bumagsak ng 12 hanggang 14 percent ang grado sa Math at Science ng mga mag-aaral sa Grade 4. Bukod sa pagbagsak ng grado sa mga nasabing subjects, nababawasan ng 30 percent ang araw ng pasok gaya nang nangyari noong school year 2023-2024.
Kadalasang ang suspension ng klase ay nagaganap kapag may bagyo at habagat. Ngayong 2025, marami nang ginawang pagsuspende sa klase dahil sa sunud-sunod na bagyo at habagat. Malaki na ang nabawas na araw sa school year 2025-2026. Kung magpapatuloy ang suspension dahil sa bagyo, habagat at baha, tiyak na may malaking epekto sa mga estudyante. Baka hindi lamang sa Math at Science sumadsad ang kanilang grado. Lalong mapag-iiwanan ang mga estudyanteng Pinoy ng mga estudyante sa ibang bansa. Kung pawang pagsuspende, baka bumagsak din ang mga estudyante sa Reading Comprehension.
Nang magkasunud-sunod ang paglindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ipinatupad din ang suspensiyon ng klase dahil maraming school ang nawasak at ang iba ay hindi puwedeng gamitin dahil maaring bumagsak. Makatwiran naman ang dahilan na ito para isuspende ang klase.
Kung pag-iingat ang dahilan para suspendihin ang klase ng halos kalahating buwan, masyado itong matagal. Kawawa ang mga estudyante. Baka lalo silang maging bobo sa maraming subjects. Mapupulpol ang kanilang utak dahil sa pag-iingat sa pagtama ng lindol.
- Latest















