EDITORYAL — Walang katapusang panggigipit ng China

ILANG ulit nang hinabol, binangga at binomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) ang mga barko ng Pilipinas habang nasa sariling teritoryo. Maraming beses na ang panggigipit at muling maitatanong, hanggang kailan ang ginagawa nilang ito. Hanggang kailan ito titiisin?
Ang pinaka-latest na pambu-bully ay nangyari noong Linggo ng umaga sa Pag-asa Island. Hinabol at binangga ng CCG ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR). Nagasgas ang hulihan ng BFAR vessel. Hindi pa nasiyahan ang mga barko ng CCG sa pagbangga, binomba pa nila ito ng tubig.
Sabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson to the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, bago naganap ang insidente, tatlong barko ng BFAR ang ligtas na nakaangkla sa Pag-asa Island para magbigay ng ayuda sa mga mangingisdang Pinoy.
Nang biglang magsagawa ng mapanganib na pagmamaniobra ang mga barko ng CCG at Chinese Maritime Militia. Kasunod niyon ang pagbomba sa mga barko ng BFAR. Sa kabila ng mga ginawang pangha-harass ng mga barko ng China, hindi natinag ang mga tauhan ng PCG at BFAR. Hindi sila umalis.
Ang panibagong pangha-harass ay kinondena nang maraming bansa. Sabi ng pamahalaan, maghahain ng panibagong diplomatic protest sa ginawa ng China. Marami nang protesta ang inihain ng Pilipinas sa China subalit walang epekto.
Pinakamaraming pangha-harass na ginawa noong 2024 kung saan may sundalong Pinoy na naputulan ng daliri matapos banggain ng CCG vessel ang barko ng PCG noong Hunyo 2024 habang naghahatid ng supply sa BRP Sierra Madre.
Bago ang insidenteng iyon, noong Pebrero 2024, hinarang ng China Coast Guard ang BRP Datu Sunday ng BFAR habang nagsasagawa ng pagpapatrulya sa Scarborough Shoal. Tatlong beses silang hinarang at nagsagawa nang mapanganib na maniobra ang CCG at muntik nang madisgrasya ang kanilang sinasakyan. Noong Marso ng taon ding iyon, hinarang at ginitgit ng CCG ang BRP Sindangan ng PCG. Noong Abril 2024, walong beses binomba ng tubig ng CCG ang BRP Datu Bankaw. Bukod sa pagbomba, apat na beses na binangga na ikinasira ng railings nito. Bukod sa pagkasira ng railings, nasira rin ang mga equipment ng barko. Ang BRP Datu Bankaw ay pag-aari ng BFAR.
Patuloy sa panggigipit ang China. Hanggang kailan ang ginagawa nilang ito? Magsasampa na lamang ba lagi ng protesta ang Pilipinas. Bakit hindi gumawa ng ibang hakbang? Gaya ng hindi pagtangkilik sa produktong China para masaktan din sila. Kung hahayaan ang ginagawa nila, lalo silang magpupursigi.
- Latest















