Matibay ba sila sa lindol?
MATITIBAY ba talaga ang mga skyway, elevated highway, tulay, matataas na gusali, bahay, railway system gaya ng LRT at MRT, mga sementadong kalsada, pasilidad at iba pang imprastraktura sa Metro Manila? Makatatagal ba sila sa tatamang napakalakas na lindol?
Hindi lamang ito tanong para sa kalakhang Maynila. Dapat din itong itanong sa iba pang lunsod at bayan na mabilis na umuunlad at pinagtatayuan ng mga bagong imprastraktura. Dahil kabilang ang Pilipinas sa mga bansang madalas dalawin ng lindol — nakapuwesto kasi tayo sa tinatawag na Pacific Ring of Fire kung saan aktibo ang mga fault line at bulkan.
Sana, sa tuwing may itinatayong gusali, tulay, o kalsada, tinitiyak na hindi lang ito maganda at moderno, kundi ligtas at matibay sa pagyanig ng lupa. Hindi sapat ang mga earthquake drill at disaster awareness kung mismong imprastraktura ay marupok.
Naalala n’yo ba ang Cabagan–Sta. Maria Bridge sa Isabela na bumagsak matapos dumaan ang isang napakabigat na trak noong Pebrero? Hindi man lindol ang dahilan, lumabas na may depekto raw sa pagkakagawa. Isa itong babala: kung may tulay na bumigay sa bigat lang ng trak, paano pa kung sa lakas ng lindol?
Kamakailan, nagbabala si Science and Technology Secretary Renato Solidum matapos ang magnitude 6.9 na lindol sa Cebu na kumitil ng 70 buhay at sumira nang maraming bahay, gusali, at simbahan. Kung ganoon kalakas ang yumanig sa Metro Manila, kung saan milyun-milyon ang nakatira at libu-libong gusali ang nakatayo, mas malaki ang pinsalang maidudulot.
“Mas maraming gusali at mas malaking populasyon, mas mataas ang pinsala,” paliwanag ni Solidum. Dagdag pa niya, ang tindi ng pinsala ay nakasalalay hindi lang sa lakas ng lindol kundi sa kalidad ng mga bahay at gusali sa lugar.
At totoo ito: maraming bahay ang hindi planado ng inhinyero at hindi alinsunod sa building code. Sa halip na kumuha ng arkitekto o engineer, tipid mode ang iba at umaasa lang sa karpintero o mason. Kaya’t kung dumating ang malakas na lindol, delikado ang ganitong mga tirahan.
Marami na tayong nabalitaan na namatay dahil sa pagguho ng pader. Madalas, hindi ang poste o biga ang bumibigay kundi mismong wall na hindi dinisenyo para tumagal sa malakas na pagyanig. Ganito rin ang nangyayari sa mga lumang simbahan na gawa sa bato pero kulang sa bakal na suporta — kaya gumuguho kapag nilindol.
Hindi ito simpleng isyu ng arkitektura at engineering. Isyu ito ng kaligtasan ng publiko. Kapag may kapabayaan sa disenyo, substandard na materyales, o shortcut sa paggawa, ang kapalit ay buhay ng tao.
Sa ngayon, patuloy ang mga paalala ng mga eksperto: Siguraduhing sumusunod ang mga bahay at gusali sa Philippine Building Code, huwag magtipid sa safety standards at, kung may lumang gusali, tiyakin na ito’y nare-retrofit o naaayos para makalaban sa lindol.
Handa ba tayo kung dumating ang “Big One”?
Matagal nang binabala ng mga eksperto ang posibleng magnitude 7.2 lindol mula sa West Valley Fault na tatawid mismo sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya. Ayon sa pag-aaral ng Phivolcs at JICA (Japan International Cooperation Agency), posibleng umabot sa 30,000 katao ang mamatay at higit 100,000 ang masugatan kung mangyayari ito.
Kaya bago natin masabi na ligtas tayo sa mga skyway, tulay, gusali, at railway system, dapat tanungin: matibay ba talaga sila sa lindol? O baka naman tulad ng ilang pader at tulay na bumigay, nakatayo lang sila ngayon—pero sa unang malakas na pagyanig, bigla na lang maglalaho?
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest




















