Agos ng Kasakiman
HINDI ang ulan, kundi ang kasakiman ng iilan ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng marami tuwing bumabaha. Ang bawat pamilyang nalunod, bawat kabahayan na tinangay ng rumaragasang tubig, at bawat kabuhayang nilamon ng baha ay hindi basta “sakuna” kundi pruweba ng palpak at pekeng flood control projects na ginawa para lamang sa bulsa ng mga buwaya.
Habang ang mga bata ay sumisigaw para sa tulong na hindi dumating, habang ang mga magulang ay kumakapit sa bubong na unti-unting nilalamon ng agos, at habang ang matatanda ay nagdurusa sa malamig na tubig hanggang sa huling hininga nila—sino ang tunay na may sala? Hindi ba’t yaong mga nagbulsa ng pondong dapat sana’y proteksiyon nila laban sa ganitong trahedya?
Kung ang ordinaryong tao ay kulong agad sa simpleng pagnanakaw ng de lata, bakit ang mga nagsabwatan sa bilyong pisong proyekto na dahilan ng pagkamatay ng mamamayan ay tila nakakalusot? Hindi ba’t mas mabigat ang kanilang kasalanan sapagkat buhay, tahanan, at kinabukasan ng libu-libo ang naging kapalit ng kanilang pandarambong?
Dapat walang palusot. Dapat walang piyansa. At dapat habang-buhay na pagkakakulong ang sentensiya sa mga opisyal, kontratista, at sinumang sangkot sa ganitong kalakaran mapa-senador man o kongresista. Dahil ang kanilang kasalanan ay hindi lang simpleng katiwalian, ito ay krimen laban sa bayan at sa susunod na henerasyon.
Sa bawat korap na yumaman mula sa proyekto ng ilog, kanal, at dike tandaan ninyo ang inyong ginawang bulsa ay kabaong ng mahihirap. Ang inyong mga cheque ay nakasulat sa dugo ng mga nalunod. At ang inyong mga mansion ay itinayo sa abo ng mga pinatay ng baha.
Huwag nating hayaan na ang ating bansa ay patuloy na lunurin ng baha ng katiwalian. Kung walang takas ang tubig sa panahong umuulan, dapat wala ring takas ang mga kurap sa kamay ng hustisya.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay opinyon ng manunulat. Hindi ito tumutukoy sa partikular na indibidwal o institusyon maliban sa mga mapapatunayan ng batas. Layon nitong idiin ang pananagutan ng sinumang tiwali sa paggamit ng pondo ng bayan, at ipaalala na ang tunay na hatol ay nasa kamay ng korte at ng sambayanan.
- Latest
















