EDITORYAL — Mga walang kaluluwa
KAHAPON, All Souls’ Day, milyun-milyong Pilipino ang nag-aalay ng dasal, bulaklak at kandila para sa mga mahal sa buhay na pumanaw na.
Paalala ang araw na ito na kahit tapos na ang buhay, hindi natatapos ang paggalang, pag-aalaga at alaala.
Para sa maraming pamilya, kasama rin sa ganitong pagmamahal ang mga alagang hayop na itinuring nilang bahagi ng tahanan.
Kaya lalong nakakapanlumo ang balita kamakailan tungkol sa isang pet crematorium na ipinasara ng Bacoor City government matapos matagpuan sa Bulacan ang labi ng 26 na aso at tatlong pusa na nakalagay sa plastic bags at iniwang nakatambak sa tabi ng kalsada.
Mas nakakabahala, may dalawang animal welfare groups na nagsabing may nauna na umanong kahalintulad na insidente noong Mayo, kung saan 14 na patay na aso umano ang natagpuan din sa parehong lugar.
Naglalantad ang kasong ito ng mas malaking problema: sino ang nagbabantay sa pet aftercare industry?
Kapag ipinagkatiwala ng isang pamilya ang labi ng kanilang alaga sa crematorium, hindi lang serbisyo ang binabayaran nila. Binibigay nila ang tiwala na maayos at may dignidad ang huling paalam.
Sa kasong ito, sinabi ng Bacoor government na hindi umano nakapagpakita ang operator ng sapat na dokumento o CCTV footage na nagpapatunay na naisagawa ang ilang cremation.
Hindi rin umano nito matiyak kung ang abo na ibinalik ay talagang mula sa kanilang alaga.
Ayon sa PAWS, maaaring hindi direktang saklaw ng Animal Welfare Act ang insidente kung patay na ang mga hayop nang i-turn over, bagama’t maaaring pumasok ang estafa kung mapatutunayang may panlilinlang.
Dito makikita ang puwang na dapat tingnan ng mga regulator. Kailangan nang malinaw na standards sa documentation, identification ng labi, cremation records at tamang disposal.
Ngayong araw na inaalala natin ang kahalagahan nang maayos na pamamaalam sa mga yumao, hindi rin dapat balewalain ang dalamhati ng pamilyang nawalan ng alagang hayop. Nararapat silang ituring na bahagi ng pamilya habang buhay at tratuhin na may dignidad. Mga walang kaluluwa ang lumalapastangan sa mga alagang hayop.
- Latest
















