‘Sandok’
(Part 1)
MAHILIG akong mangulekta ng mga sandok. Hindi dahil sa ako ay mahilig magluto kundi dahil sa isang hindi malilimutang pangyayari. Marami na akong nakolekta—mula sa mga native na sandok hanggang sa mga aluminum at stainless. Sa lahat ng mga koleksiyon ko, ang sandok na gawa sa bao ng niyog at kawayang tangkay ang pinakapaborito ko sa lahat. Mayroong pangyayari na nagkaroon ng kaugnayan ang sandok na gawa sa bao ng niyog.
Sa probinsiya ako isinilang. Ang aking ama ay isang magsasaka at ang aking ina naman ay karaniwang maybahay. Tatlo kaming magkapatid at ako ang panganay.
Ako ang laging katulong ni Inay sa pagluluto ng pagkain kaya maaga akong natuto sa pagluluto ng simpleng ulam at mga gulay.
Ang ginagamit namin sa pagluluto ay mga sandok na gawa sa kawayan. Mahusay si Itay na gumawa ng mga sandok na gawa sa bao ng niyog. Hindi lamang mga sandok ang ginagawa ni Itay kundi pati kutsara na gawa sa bao ng niyog. Mayroon kasi kaming taniman ng niyog kaya sagana kami sa mga bao.
Nakahilera sa aming paminggalan ang iba’t ibang klase ng sandok—may malaki at maliit. May sandok para sa kanin, ulam at gulay.
Isang araw nagluto kami ni Inay ng mga kakanin para handa sa kaarawan ng aking bunsong kapatid. Maraming kaklase ng aking kapatid ang inimbitahan. Maraming nasiyahan sa aking mga niluto. Ano raw ang sekreto ko sa masarap na kakanin lalo na ang ginataang bilu-bilo. Sagot ko ay dahil sa sandok.
(Itutuloy)
- Latest
















