Hanggang may isang mabuti
KAMAKAILAN, ang mga estudyante, propesor at kawani ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City ay lumabas mula sa mga silid-aralan at opisina upang sama-samang kundinahin ang pagkakasangkot ng matataas na opisyales ng gobyerno sa malawakang katiwalian sa mga proyektong naglalayong hadlangan ang mga grabeng pagbaha.
Ito ang pinakamalaking pagtitipon sa UP pagkatapos ng pandemya. Naalala ko noong ako’y nag-aaral sa UP bago ideklara ang batas militar, mas madalas pa kami sa lansangan kaysa loob ng mga silid-aralan. Muling nabuhay ang aktibismo sa UP na sinundan ng iba pang unibersidad ng estado.
Bukas, Setyembre 21, araw ng paggunita sa batas militar na idiniklara noong 1972, ang iba’t ibang samahang sibiko, simbahan, eskwelahan, negosyo at mga sikat na personalidad ay magsasama-sama sa Luneta at EDSA bilang malawakang protesta sa katiwalian.
Namumulat na ang marami dahil sa lumalalang katiwalian sa bansa na naging isa ng kultura, wala nang kahihiyan ang mga gumagawa nito at tila tinatanggap na ng publiko na ito’y normal.
Kailangang managot ang matataas na opisyal na sangkot sa katiwalian, sapagkat kung hindi ay baka matulad tayo sa Nepal at Indonesia na nauwi sa karahasan ang mga protesta laban sa gobyerno. Dapat ay totohanin ng itinatag na Independent Commission for Infrastructure ang sinabi ni Presidente BBM na walang sasantuhin ang komisyon para mapanagot ang mga nagnakaw sa kaban ng bayan.
Matagal na palang panahon na ang mga flood control projects ng DPWH ay pinanggagalingan ng bilyun-bilyong korapsiyon na nagpayaman sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno at kontratista, habang ang mga mamamayang Pilipino ay patuloy na lumulubog sa kahirapan at kawalang-pag-asa.
Tila nagising tayo mula sa isang matinding bangungot. Sinabi ni dating U.S. President Abraham Lincoln, “Maloloko mo ang lahat ng tao sa ilang panahon, ang ilang tao sa lahat ng panahon, pero hindi mo maloloko ang lahat ng tao sa lahat ng panahon.” Sana nga, dumating na tayo sa isang panahon na hindi na tayo maloloko.
Sinabi ng British statesman na si Edmund Burke, “Isa lamang ang kailangan para magtagumpay ang kasamaan, ito’y kapag walang ginawang anuman ang mga taong mabuti.” Hanggang may isang Senador na matino, isang Kongresita na tapat, isang kawani ng gobyerno na malinis, at isang negosyanteng marangal, may pag-asa tayo.
Sa ibabaw ng bumabahang katiwalian, may mga lumulutang na mga makabayang lingkod-bayan. Marami sa kanila’y mga bata pa, sagana sa idealismo, at hindi pa nababahiran ng kasakiman. Sana’y manatili silang malinis hanggang sa sila’y maluklok sa pinakamatataas na pwesto sa gobyerno.
Mangyayari ang paggawa ng masama kapag nagkasama ang dalawang bagay: ang pagnanais at pagkakataon. Kahit gusto mong magnakaw kung walang pagkakataong magnakaw dahil mahusay ang ipinatutupad na sistema at pamamaraan, hindi ka makapagnanakaw.
Kahit may pagkakataon namang magnakaw, pero dahil matibay ang pagpapahalaga mo sa dangal, hindi ka magnanakaw. Samakatuwid, para manatiling malinis ang gobyerno, kailangang tapat at matino ang nagpapatakbo at may epektibong sistema at pamamaraan ng pamamahala.
Dumating na ang pagkakataon para mabago ang takbo ng ating kasaysayan. Tila sinadya ng Diyos na maranasan natin ang matinding pagbaha para lumutang ang katotohanan. Ang Diyos ang gumawa ng unang hakbang. Nakasalalay sa atin ang susunod. Sabi sa English, “It’s now or never.” Kung hindi ngayon ay kailan pa?
- Latest















