Ber months na, mga Pinoy winarningan vs scammers!
DAHIL “Ber” months na, tiyak gagana na naman ang kung anu-anong klaseng scams, lalo na ang online hotel bookings, vacation, travel at tours. Kaya pinag-iingat ni Anti-Cybercrime Group director Brig. Gen. Bernard Yang ang mga Pinoy na ‘wag basta-basta mag-click ng mga ipinapadalang links sa kanila at sumagot sa mga tawag o kausap na nag-ooffer ng sari-saring bakasyon.
Ayon kay Yang, dapat mapagmatyag ang mga Pinoy at hindi basta-bastang maniwala sa mga ini-offer sa kanilang mga vacation packages dahil malaki ang tsansa na mawala ang pinaghirarpan nila suweldo o bonus nitong Christmas season.
Aniya, dapat tawagan muna ang source ng offer para masiguradong hindi sila ma-scam. Sa record ng ACG, umaabot sa 3,025 online selling scams ang na-record nila noong 2024, samantalang 1,101 sa investment scam at task scam cases, 589 vishing cases at 253 travel scams. Araguyyy!
Kaya mga kosa, ingat-ingat lang ha! Maraming talipandas ang gumagala tuwing pinakamahabang Christmas season sa mundo. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Iginiit ni ACG spokesperson Lt. Wallen Arancillo na ang scam ay walang pinipiling oras o panahon. At lahat ng may trabaho o Pinos from all walks of life ay maaring mabiktima dahil magagaling mangumbinsi ang mga scammers. ‘Ika nga ay parang napag-aralan nila ang weakness o na-hypnotize nila ang kanilang kausap.
“Sa ngayong Ber months, ang pinatututukan natin dito ay yung vacation scam, accommodation scam and also ‘yung voice phishing or vishing scam,” ani Arancillo. Sa panahon ng Christmas season ay bigayan na ng mga bonus kaya’t paldo ang mga Pinoy.
“Marami na ring laman ang mga ATM cards natin kaya paka-ingat po tayo sa mga nakakausap natin sa mga social media and also sa mga tumatawag sa atin,” ang warning ni Arancillo.
“Huwag tayo basta-basta maniniwala sa kanila and also mag-verify tayo sa financial institutions bago tayo makipag-engage sa kanila,’ ang dagdag pa ni ACG spokesperson. Mismooooo! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Ang pahabol pa ni Arancillo, ‘wag ugaliing mag-click sa mga links lalo na sa pag-update ng inyong debit at credit cards dahil may pag-asa ding mabiktima kayo ng scammers.
Nitong unang walong buwan ng taong 2025, umaabot sa 1,334 kaso ng online selling scams ang nai-report sa opisina ni Yang, at 496 nito ay investment and task scam cases, 330 vishing scam cases at 110 travel scams.
Ipinaliwanag ni Yang na ang task scams ay ‘yaong mga unsolicited messages na nangangako ng mataas na kita sa simple at paulit-ulit na utos bago subain ang biktima ng malaking deposito bago makumpleto ang transaction.
Ang vishing scam naman ay tatawagan o i-voice message ang biktima kung saan ang scammer ay magkukunyaring legitimate na empleado ng isang kompanya at kukunin nito ang personal ninyong financial information. Hayan mga kosa! Kumpleto rekado na ang warning sa inyo ni Gen. Yang.
Kapag nabiktima pa kayo, hindi na ang pulis ang may kasalanan, kundi kayo na naghangad makamura o ng kagitna. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Sa mga kosa ko riyan, ‘wag paloko sa scammers! Abangan!
- Latest




















