Biyaheng Undas sa NAIA, walang aberya!
Hindi biro ang dagsa ng mga pasaherong bumibiyahe tuwing Undas. Kaya naman, personal na sinilip ito ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) at ng iba pang opisyal ng ahensiya ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Biyernes, Oktubre 30, 2026, upang tiyaking maayos ang seguridad, kaligtasan at serbisyo para sa mga biyahero.
Bahagi ito ng OPLAN Biyaheng Ayos: Undas 2026 na layuning tiyaking hindi pababayaan sa ere ang mga pasaherong dagsa sa mga paliparan ngayong panahon ng bakasyon at paggunita sa mga mahal sa buhay.
Samantala, sinabi ni Office for Transportation Security (OTS) Administrator at Undersecretary Gilberto DC Cruz na mas pinaigting na nila ang seguridad sa mga pasilidad ng transportasyon. Pinalakas din ang koordinasyon sa mga law enforcement agency at mga namamahala sa paliparan upang walang lusot ang mga posibleng banta sa kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Cruz, nakaaktibo na ang Transportation Operations Center ng OTS upang mapabilis ang komunikasyon at pagtugon sa anumang pangangailangan o insidenteng maaaring mangyari.
Hindi rin basta-basta ang pagbabantay ng OTS. Nag-deploy ito ng mga security auditor sa iba’t ibang pasilidad ng transportasyon upang inspeksiyunin kung nasusunod ang mga patakaran at kung maayos na naipatutupad ang mga hakbang pangseguridad.
Maganda ang ganitong paghahanda, pero tandaan: hindi sapat ang mag-inspeksiyon at maglabas ng magagandang pahayag kung sa aktuwal na biyahe ay pila, siksikan, kalituhan at aberya pa rin ang sasalubong sa mga pasahero.
Ang kailangan ng publiko ay konkretong serbisyo, mabilis na aksiyon at mga tauhang handang tumulong, hindi puro pangako at palabas sa kamera.
Ngayong Undas, ang bawat pasahero ay may pamilyang naghihintay sa kanilang pagdating. Kaya dapat tiyakin ng mga kinauukulan na ligtas ang bawat biyahe at walang kababayang mapapahamak dahil sa kapabayaan.
Sa paliparan, hindi dapat suwertehan ang kaligtasan. Trabaho ng gobyerno na tiyakin ito!
- Latest
















