‘Lighter’ (Part 4)
DUMATING ang kaibigan at kumpare ni Itay na si Avelino—kabababa lamang sa barko bilang seaman. Tuwing ika-anim na buwan ang baba ni Avelino. Bawat baba nito sa barko ay hindi kinalilimutang dalawin si Itay sa aming bahay. Mag-iinuman sila. Laging may dalang regalo si Avelino kay Itay at mayroon ding bitbit na imported na alak. Si Itay naman ay magluluto ng paborito ni Avelino na adobong manok sa gata. Dumalagang manok ang niluluto ni Itay para sa kaibigan.
Pero nang umagang iyon na dumating si Avelino ay hindi malaman ni Itay ang gagawin. Para bang takot na takot siya at balisang-balisa.
“Kumusta ka Pareng Tonyo?” bati ni Avelino nang salubungin ni Itay sa hagdanan.
“Mabuti naman Pareng Avelino. Halika, panhik.”
“Mayroon akong dala na pagsasaluhan natin—isang litrong Black Label.”
“A e magluluto ako ng adobong dumalagang manok na paborito mo. Matitikman mo rin ang bagong ani sa kaingin na binuhangin.”
“Talagang okey ka Pareng Tonyo.”
“Saglit lang lutuin ang adobong dumalaga, Pareng Avelino.”
“Sige Pare huwag kang magmadali at matagal ang ating kuwentuhan.”
Nagluto si Itay ng adobong manok sa gata. Mabangung-mabango nang maluto ang adobo. Nang maluto ang binuhangin na kanin ay nagsandok si Itay at hinainan ang kumpare.
“Kumain ka muna Pareng Avelino para may itagal ka sa inuman natin.”
“E kumain ka na rin, Pareng Tonyo.”
Sabay silang kumain. Enjoy na enjoy si Avelino sa masarap na adobo at binuhangin na kanin.
Pagkatapos ay nagsimula na ang kanilang inuman.
Nasa kalagitnaan na ang kanilang pag-iinuman nang itanong ni Avelino kung nasaan ang lighter na iniregalo niya kay Itay. (Itutuloy)
- Latest




















