‘Lighter’ (Part 1)
ANG lighter, ay stainless, kasing laki ng kaha ng posporo at ginagamitan ng fluid. Iniregalo ang lighter kay Itay ng isang kaibigan niyang seaman noong dekada 70. Nasa high school pa ako noon, Para hindi mawala ang lighter, nilagyan ni Itay ng pinong kadena na ang dulo ay nakatali sa sinturera ng kanyang pantalon.
“Baka mawala ang lighter ay nakakahiya naman kay Pareng Avelino. Mahal pa naman ang bili niya sa lighter na ito,’’ naalala kong sabi ni Itay noon. Ang kanyang Pareng Avelino ay matalik niyang kaibigan at ninong ng isa kong kapatid.
Kapag bumababa ng barko ang kanyang kaibigang si Avelino ay hindi nito kinalilimutang pumunta sa bahay at nag-iinuman sila ni Itay,
Naririnig ko, pinag-uusapan nila ang lighter.
“Nasaan na ang lighter na regalo ko sa’yo Pareng Tonyo?”
“Narito sa bulsa ko,’’ sagot ni Itay at inilabas ang lighter na nakatali. “Eto o, nakatali.”
“Talagang hindi mawawala, ha-ha-ha!”
“Oo Pareng Avelino, talagang iniingatan ko itong bigay mo.”
“Mahusay na klase ang lighter na ‘yan, Pareng Tonyo. Talagang hinanap ko pa ‘yan nang dumaong kami sa Japan.”
“Mahusay nga Pare. Maski magsindi ako kahit malakas ang hangin, hindi namamatay.”
“Ingatan mo palagi Pareng Tonyo.”
“Oo Pareng Avelino.”
Pero naiwala ni Itay ang lighter. Tumatawid siya sa ilog nang mapasabit ang pantalon niya sa isang kahoy na inaanod.
(Itutuloy)
- Latest















