Shortcut sa pagpapawalang-bisa ng kasal
Dear Attorney,
Totoo po ba ang alok sa akin na puwede raw mapawalang bisa ang kasal ko sa pamamagitan lang ng pagbabayad at pagpapasa lang ng mga dokumento? —Karla
Dear Karla,
Hindi po totoo na puwede nang mapawalang bisa ang kasal sa simpleng pagbabayad at pagpapasa lang ng mga papeles.
Sa ilalim ng ating batas, ang pagpapawalang-bisa ng kasal (annulment o declaration of nullity) ay isang judicial process.
Ibig sabihin, tanging ang hukuman lamang ang may kapangyarihan na magdeklara na walang bisa ang kasal.
Dadaan din ito sa proseso kung saan kakailanganin ang pagdaraos ng hearing, presentasyon ng ebidensya, at personal na pagharap sa korte bago magkaroon ng desisyon.
Kaya mag-iingat po kayo sa mga nag-a-alok ng “shortcut” sa pagpapawalang-bisa ng kasal. Kahit pa mapakitaan kayo ng dokumento, hindi pa rin kayo makakasigurado na wala na ngang bisa ang inyong kasal.
Maaari pa kayong malagay sa alanganin dahil malaki ang posibilidad na peke o falsified documents lamang ang mga ito at maaring pagmulan pa ng kriminal na kaso laban sa inyo.
- Latest

















