^

Punto Mo

‘Filipinx’ ibinasura

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

IBINASURA na rin kamakailan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang salitang Filipinx na ilang taon nang ipinapalaganap ng ilang Pilipino sa Estados Unidos, partikular na ng mga Filipino Americans.

Noong 2020, isinama ng Dictionary.com ang Filipinx sa talaan ng mga salita. Ayon sa kanilang depinisyon, ito’y pantukoy sa mga taong may dugong Pilipino o nagmula sa Pilipinas, at itinuturing na “gender-neutral” na alternatibo sa Filipino o Filipina. Subalit maliban sa Dictionary.com, halos wala nang ibang kilalang diksiyunaryo o opisyal na institusyon ang kumilala rito.

Hindi rin ito naging popular na gamit sa iba pang bansang tinitirhan ng mga Pilipino gaya ng sa Europe, Middle East, Asia, Africa, Oceania, at North America. Lalong hindi rin ito tinanggap sa Pilipinas.

Karaniwang argumento ng mga tagapagtaguyod ng Filipinx na isa itong alternatibo sa Filipino at Filipina—isang pantukoy na hindi nakabatay sa kasarian. Para sa kanila, mahalaga ang pagkakaroon ng salitang sumasalamin sa pagiging inklusibo ng kasarian.

Sa U.S., umusbong ang maraming debate ukol dito. Ang Filipinx ay malinaw na ginaya sa Latinx, na lumitaw sa mga progresibong komunidad sa U.S. bilang alternatibo sa Latino at Latina.

Samantala, sa mga bansang mismong pinagmulan ng Latino—tulad ng Brazil, Argentina, Colombia, Uruguay, Mexico, Venezuela, Cuba, Puerto Rico, at Guatemala—halos hindi kilala o ginagamit ang Latinx. Mas tanggap pa nga roon ang anyong Latine na mas akma sa gramatika ng wikang Espanyol kaysa sa Latinx.

Ayon kay KWF Komisyoner Benjamin Mendillo, hindi katanggap-tanggap ang Filipinx sapagkat isa itong uri ng morphing o pagbabagong-anyo na taliwas sa lohika ng wikang Filipino.

Ipinaliwanag niya na makapangyarihan ang mga ponemang “o” at “a” sa ating wika dahil kapag idinugtong ang mga ito sa isang salita, nagbabago ang kasarian ng tinutukoy. “Kapag doktor, generic siya. Kapag doktora, nagiging babae. Kapag senador, lalaki; kapag senadora, babae,” ayon kay Mendillo sa isang panayam sa DZMM.

Idinagdag pa niya na mayroon namang mga salita sa Filipino na hindi nakatali sa kasarian, tulad ng manggagawa o manghuhula. Ngunit ang pagpupumilit na alisin ang “o” at “a” sa Filipino at Filipina ay isang uri ng pagtalikod sa nakaugat na katangian ng ating wika.

Para sa KWF, ang usapin ay hindi lamang teknikal kundi kultural. “Kapag lagi nating ginagamit ang ibang mga wika, talagang maglalaho ang ating kultura at talino. Kumbaga ang laban o digmaan ay hindi lamang nakapaloob sa pulitikal na pamamaraan. Maaari ring sa wika tayo masakop,” ani Mendillo.

Hindi maikakaila na may kalituhan din minsan kapag ginagamit ang mga terminong Pilipino, Filipino, at Pilipina. Nakasanayan nang Pilipina para sa babae, samantalang Pilipino ay ginagamit para sa lalaki at minsan ay generic na rin. Subalit ayon sa KWF, ang Filipino ang pormal at opisyal na katawagan sa lahat ng mamamayan ng Pilipinas, babae man o lalaki.

Sa huli, ang Filipinx ay maaaring manatiling bahagi ng talakayan sa mga Filipino migrant sa U.S. Ngunit dito sa Pilipinas malinaw ang paninindigan ng KWF: hindi ito babagay, at hindi ito kikilalanin. Hindi rin naman ito malaganap o opisyal na kinikilala sa Pilipinas.

Ang wika ay buhay at nagbabago, ngunit may mga hanggahan. Ang pagpapalaganap ng mga banyagang anyo na walang ugat sa ating kultura ay maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak kaysa pagkakaisa. Sa halip na mangopya ng katawagang banyaga, higit na makabuluhan ang paigtingin ang pagpapayaman sa sarili nating Filipino—isang wikang bukas sa pagbabago, ngunit nananatiling matibay na ugat ng ating pagkakakilanlan bilang Pilipino.

••••••

Email: [email protected]

KWF

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with