‘Singsing’ (Part 16)
“PAANO ang ginawa mo, Ram?” tanong ni Cora na hindi makapaniwala kung paano ang ginawa kong pagdispatsa sa singsing.
Ikinuwento ko—walang labis, walang kulang ang mga pangyayari.
“Nagawa mong magpakain nang mga pulubi? Nagkaroon ka ng oras para roon, Ram?”
“Oo. Ginawa ko iyon after ng trabaho. Nung minsan, gumising ako nang maaga para magpakain. Tuwang-tuwa ang mga pulubi. Hindi ko maipaliwanag kung anong klaseng kaligayahan ang kanilang nadama habang dini-distribute ko ang mga pagkain at inumin.
“At alam mo Cora, kung masaya ang mga pulubi, ganundin ako kasaya—walang kasingsaya dahil nakapagpaligaya ako ng mga kulang palad o mga walang-wala sa buhay. Ibang klaseng kaligayahan ang nadama ko, Cora.”
“Maraming salamat sa tulong mo, Ram. Hindi ko malilimutan ang ginawa mong tulong.”
“Walang anuman, Cora.”
“Hindi ko alam kung paano kita magagantihan.”
“Wala ‘yun. Masaya ako at natulungan kita. Siguro naman, ngayong wala na ang singsing ay panatag na ang kalooban mo.”
“Oo. Panatag na. Pero mas magiging panatag ako kung lagi kang dadalaw dito. Puwede ba, Ram?”
“Oo naman. Dadalawin kita. Ihanda mo ang kape ha?” (Itutuloy)
- Latest















