Ang kabaong na kahoy
ISANG magsasaka ang tumanda na nang husto kaya’t hindi na niya kayang magtrabaho sa bukid. Ginugugol na lamang niya ang maghapon sa pagkakaupo sa balkonahe.
Ang kanyang anak, na patuloy pang nagbubungkal ng bukid, ay paminsan-minsang tumitingin at nakikitang nakaupo lamang doon ang kanyang ama.
Dahil dito, nakadama ng pagkainis ang anak sa kanyang ama. “Wala na siyang silbi,” naisip ng anak sa kanyang sarili, “at wala na siyang ginagawa!”
Isang araw, sa labis na pagkainis ng anak ay gumawa siya ng kabaong na kahoy. Pagkatapos mabuo ang kabaong ay kinaladkad iyon papunta sa balkonahe, at sinabi sa kanyang ama na pumasok dito.
Walang imik, pumasok ang ama sa kabaong. Matapos maisara ang takip, kinaladkad ng anak ang kabaong hanggang sa gilid ng bukid kung saan may mataas na bangin.
Habang papalapit sa gilid, nakarinig ang anak nang marahang pagkatok mula sa loob ng kabaong. Binuksan niya ito. Nakahiga pa rin nang payapa ang ama, tumingin ito sa kanyang anak at nagsabi: “Alam kong itatapon mo ako sa bangin, pero bago mo gawin iyon, maaari ba akong magmungkahi?”
“Ano iyon?” tugon ng anak.
“Itapon mo na ako kung gusto mo,” sabi ng ama, “ngunit itabi mo ang magandang kahoy na kabaong na ito. Sayang, siguradong kakailanganin ito ng mga anak mo balang araw.”
“The best way to honor your parents is to take care of them with love, respect, and kindness.” – Unknown
- Latest
















