‘Singsing’ (Part 11)
HINAYAAN kong umiyak si Cora. Nayugyog ang balikat niya habang umiiyak. Dama ko ang paghihirap ng loob niya.
Nang matapos sa pag-iyak ay nagpatuloy si Cora sa pagkukuwento. Nalaman daw niya ang dahilan kung bakit laging postpone ang pag-exit o pag-uwi sa bansa ng kanyang nobyo na katulad niya ay isa ring nurse sa isang malaking ospital sa Riyadh.
“Nakabuntis siya!” sabi ni Cora. “Nalaman ko ang lahat sa dating kasamahang nurse. Tinawagan ko ang aking kasamahan at ipinagtapat na nakabuntis nga ang aking nobyo. Ang masaki, ang nabuntis niya ay ang kaibigan ko na isa ring nurse. Tatlong buwan na ang kabuntisan ng kaibigan kong ahas. Iyon ang labis na ikinasasakit ng loob ko—kaibigan ko pa ang sumira sa relasyon namin. Pero siyempre hindi naman mangyayari iyon kung hindi rin pumayag ang taksil kong nobyo. Sa sama ng loob ko, tinapon ko ang singsing sa kanal. Para ano pa at iingatan ko ang singsing na bigay ng taksil. Umasa pa naman ako na kaming dalawa ang magkakasama habambuhay. Nawalan ng saysay ang pag-aasikaso ko sa aming kasal…”
Tumigil si Cora sa pagsasalita at tahimik na umiyak.
Awang-awa ako kay Cora.
(Itutuloy)
- Latest















