Nawalan ka na ba ng payong?
May Lost and Found Center ang Tokyo Metropolitan Police Department sa 1-9-11 Koraku, Bunkyo-ku, Tokyo, Japan. Higit 75 taon na itong aktibo. Araw-araw nilang inaasikaso ang libu-libong gamit na naiiwan o naliligaw kung saan-saan: mga pitaka, susi, cell phone, handheld fan, earphones, ID, driver’s license, alagang hayop tulad ng aso at pusa, at payong.
Organisado ang sistema. Kapag may napulot o isinukong gamit, tinatatakan ito ng petsa at lugar kung saan ito natagpuan, at saka ini-input sa isang database system para madaling mahanap kung sakaling may magtanong o mag-claim. Umaabot sa milyun-milyon ang naitatala nila taun-taon. Kung walang mag-claim sa loob ng tatlong buwan, maaaring ibenta o itapon ang mga ito, at sa ilang kaso ay naibibigay sa nakapulot. Ang layunin ay malinaw: maibalik sa may-ari ang anumang bagay.
Pero ang pinaka-kapansin-pansin sa lahat ay ang dami ng payong na naiiwan. Ayon sa pulisya, meron silang palapag na espasyong 200 metro kuwadrado na nakalaan lang para sa mga payong. Noong 2024, tinatayang umabot sa 300,000 ang mga payong na dinala sa kanilang tanggapan, subalit 3,700 lamang ang naibalik sa tunay na may-ari. Tuwing tag-ulan, umaabot sa dalawang patong ang imbakan nila para mapagkasya ang dagsa ng mga payong na naiipon araw-araw. May isang basement sa Bunkyo Ward na nagsisilbing imbakan ng payong.
Sana meron ding ganito sa Pilipinas. Lalo ngayong tag-ulan, mahalagang pananggalang ang payong para makalabas at makarating sa isang lugar. Kapag wala ka nito, malaking abala ang pag-aabang sa pagtila ng ulan—maliban na lang kung may kapote, waterproof na jacket, o sasakyan ka. Dito sa atin, karaniwang hindi na nababawi ang naiwang payong. Marahil ay dahil wala itong pangalan o anumang palatandaan kung sino ang may-ari. At kahit meron man, walang katiyakan na maibabalik ito, dahil wala tayong sistematikong paraan ng pagbabalik ng mga nawawalang gamit. Umaasa na lang tayo sa kabutihang-loob ng makakapulot. Hindi rin malinaw kung paano nabeberipika ng mga pulis sa Tokyo kung tunay na may-ari ang isang taong bumabawi sa gamit, pero malamang ay meron silang paraan para rito—marahil ay sa deskripsyon, lokasyon ng pagkakawala, o marka sa gamit mismo.
Sa ilang lungsod tulad ng New York, halos 10 percent lang ang nawawalang gamit ang nababalik. Sa Tokyo, may legal na insentibo para sa nakapulot—maaari silang bigyan ng gantimpalang 10 percent ng halaga ng gamit, at kung hindi ito ma-claim sa loob ng tatlong buwan, maaari na nila itong mapasakamay. Sa ilang lugar, gumagamit na rin sila ng artificial intelligence at QR code lockers para mapabilis ang proseso ng pagtanggap at pagbabalik ng gamit. Sa Switzerland, mayroon ding maayos na sistema ng lost and found. Sa Seoul, South Korea, may Lost Article Center sa City Hall na tumatanggap ng mga napulot na gamit mula sa mga tren at pampublikong lugar. Sa Munich, Germany, may tinatawag na Fundbüro na may online portal para hanapin ang mga naiwang gamit.
Dito sa atin, maliit na bagay lang ang mawalan ng payong. Wala masyadong nagrereklamo, walang nag-uulat sa pulisya, at hindi mahalagang isyu. Maaaring dahil sa abala na ang mga tao, o dahil madaling bumili ng payong. Pero sa bawat nawalang payong, kasabay na ring nawawala ang tiwalang may babalik pa.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest















