EDITORYAL - Maging halimbawa ang mambabatas

NAKUNAN ng video si AGAP party-list Rep. Nicanor Briones na nanonood ng e-sabong habang idinaraos ang botohan para sa Speakership ng House of Representatives noong Lunes (Hulyo 28). Nag-viral sa social media ang video.
Makalipas ang dalawang araw, lumantad ang kongresista at nag-sorry. Pero ayon kay Briones, mali umano ang inaakala ng mga humuhusga sa kanya dahil hindi umano siya nag-o-online sabong. Ayon pa sa kongresista, hindi siya tumataya sa e-sabong at ikinatwirang may nagpadala lamang sa kanya ng video message sa viber kaya nag-click lamang siya ng link at tiningnan ito. Ayon pa kay Briones, kailanman daw ay hindi siya makikita sa sabungan at hindi rin umano siya marunong sa online money transfer.
Sinabi pa ni Briones na nahihiya raw siya kay Speaker Martin Romualdez. Nabahiran umano ang magandang imahe ang Kongreso dahil sa ginawa niya. Iyon daw ang dahilan kaya siya lumantad. Humihingi raw siya ng paumanhin sa nangyari.
Maraming kumondena sa panonood ni Briones ng online sabong. Hindi naman dapat siya manood ng video habang nagsasagawa ng botohan sa Kamara. Mas mahalaga pa ba ang pinanonood kaysa sa idinaraos na botohan. Puwede naman niya itong panoorin kapag nasa labas na siya ng session hall. Dapat iginalang niya ang isinasagawang botohan para sa lider ng Kamara.
Maski si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Secretary Gilbert Cruz ay nagsabi na dapat daw nirespesto ang ginaganap sa Kamara. Nasa kalagitnaan pa raw ng sesyon ang Kamara nang makunan ng video si Briones. Nararapat daw maimbestigahan ang mambabatas.
Ang isyu kay Briones ukol sa panonood ng online sabong ay nataon sa mainit na pinag-uusapang online gambling na maraming humihiling na ipahinto na dahil sa masamang idinudulot sa lipunan. Maraming nahuhumaling sa online gambling kahit mga menor-de-edad. Nataon din ang viral video habang nasa kainitan ang imbestigasyon sa 34 missing sabungeros na pinatay at itinapon ang mga bangkay sa Taal Lake.
Bilang mambabatas, dapat magpakita ng halimbawa si Briones sa lahat nang pagkakataon. Kahit nag-sorry na siya, dapat pa rin siyang maimbestigahan sa nangyari.
- Latest

















