^

Punto Mo

EDITORYAL - Ang pagsusuko kay Pastor Quiboloy

Pang-masa

NAGLABAS na ang Makati Regional Trial Court (MRTC) ng extradition warrant of arrest laban kay Kingdom of Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at dalawang iba pa noong nakaraang linggo. Hiniling ng United States na maipadala na roon sina Quiboloy upang harapin ang mga kasong human trafficking, sex trafficking, child and sexual abuse, cons­piracy at bulk cash smuggling.

Halos dalawang taon nang nakapiit sa Pasig City Jail si Quiboloy makaraang maaresto noong Set. 8, 2024 sa KOJC Compound, Davao City. Subalit bago iyon, nagkaroon muna ng ilang linggong standoff. Si dating PNP chief Nicolas Torre III ang namuno sa pag-aresto kay Quiboloy.

Ang extradition warrant ng MRTC ay masasabing malaking development sa kasong ito. Pero mahalagang linawin na ang extradition ay hindi conviction.

Ang extradition proceeding ay para malaman kung legal na maaaring isuko ang isang akusado sa ibang bansa upang doon litisin.

Hindi nito tinutukoy kung guilty o innocent si Quiboloy sa mga kasong isinampa laban sa kanya. May pagkakataon siyang sagutin at kuwestiyunin ang extra­dition request sa ilalim ng proseso ng korte.

Kasabay nito, mayroon din siyang kinakaharap na mga kaso sa Pilipinas, kabilang ang qualified human trafficking at child at sexual abuse cases sa Pasig at Quezon City. Itinanggi naman ni Quiboloy ang lahat ng alegasyon laban sa kanya.

Dito nagiging kumplikado ang usapin. Sa ilalim ng Philippines-U.S. Extradition Treaty, maaaring ipag­paliban muna ng Pilipinas ang kanyang pagsuko hanggang matapos ang local proceedings. Maaari din siyang pansamantalang ibigay sa U.S. custody upang doon humarap sa paglilitis bago ibalik sa Pilipinas. Kaya hindi dapat mauwi ang debate sa pagpili kung Pilipinas o U.S. ang dapat mauna.

Ang mas mahalaga, tiyaking walang kasong ma­wa­wala sa pagitan ng dalawang sistema. Kung haharap si Quiboloy sa U.S. court, hindi dapat makalimutan ang mga kasong isinampa rito.

Kung mauuna naman ang local trials, hindi rin dapat gamitin ang mga ito bilang dahilan upang walang kata­pusang maantala ang extradition proceedings.

Pareho ring mahalaga ang due process ng akusado at ang karapatan ng mga nagsasabing sila ay biktima na makita ang kanilang mga alegasyon na maayos na dinidinig ng korte.

Ang tunay na sukatan ng hustisya ay hindi kung saang bansa unang lilitisin ang lider ng KOJC. Ang mahalaga, walang kasong matatabunan, walang prose­song mamanipulahin, at bawat alegasyon ay masuri batay sa ebidensiya.

APOLLO QUIBOLOY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with