EDITORYAL — Dahil sa Dolomite Beach kaya bumabaha sa Maynila

ISA ang Dolomite Beach sa itinuturong dahilan kaya bumabaha sa ilang kalsada sa Maynila. Nang gawin ang Dolomite Beach noong 2021 bilang bahagi ng beautification project ng Manila Bay, tatlong pangunahing drainage outfall ang isinara kabilang ang Faura, Remedios at Estero San Antonio Abad. Dahil sa pagsasara, naipon ang tubig baha sa Remedios St. at Taft Avenue. Nagkaroon din ng pagbaha sa UN Avenue at iba pang kalsada.
Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, kapag tag-ulan, hindi raw kayang ilabas ang tubig-baha kaya naiipon sa mga nabanggit na kalsada sa Maynila. Nakipag-ugnayan na raw ang MMDA sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para buksan ang mga nabanggit na drainage outfall tuwing tag-ulan at nang mapabilis ang paglabas ng tubig.
Noong nakaraang linggo, maraming sasakyan ang hindi makaraan sa Taft Avenue at UN Avenue dahil sa baha. Maraming na-stranded na pasahero dahil walang makabiyaheng dyipni. Ang baha sa Taft Avenue ay matagal nang problema at lalo pang lumala mula nang isagawa ang Manila Bay beautification project na ginastusan ng P389 milyon ng nakaraang Duterte administration.
Kabilang sa proyekto ang Dolomite Beach na tinambakan ng puting buhangin na binili pa sa Cebu. Hinakot ng barge at tinambak sa bahagi ng Manila Bay.
Binatikos ang proyekto dahil ubod nang mahal. Nataon pang ang bansa ay sinalanta ng COVID-19 pandemic. Pero ipinagtanggol ng DENR ang pagpapaganda sa Manila Bay lalo ang Dolomite Beach.
Ngayon, lumalabas na ang pagtatambak ng buhangin sa Dolomite Beach ay itinuturong dahilan ng baha sa Maynila. Maraming naapektuhang waterways kaya umaapaw at mabilis bumaha.
Malaking problema rin ang maraming basura na nakukuha sa Dolomite Beach. Mga basura na gaya ng single-use plastic, sache ng shampoo, 3-in-1 coffee, cup ng noodles, plastic bottle ng softrdrinks at iba pa. Ang mga basura ay iniluwa ng mga ilog, sapa at estero sa Manila Bay. Ginawang basurahan ang Dolomite Beach na ginastusan nang malaking pera. Mas maganda at kapaki-pakinabang sana kung mga bakawan ang itinanim sa bahaging iyon ng Manila Bay. Mapuprotektahan ng mga bakawan ang baybayin ng Roxas Boulevard sa malalaking alon. Ang mga bakawan ang hahadlang sa bugso ng alon at mapipigilan ang paghampas sa dalampasigan. Higit sa lahat mababawasan ang pagbaha sa mga pangunahing kalsada kabilang ang Taft Avenue.
- Latest
















