Kasambahay, dapat bang bayaran ng separation pay?
Dear Attorney,
Nag-resign ang aming kasambahay dahil may nakuha raw trabaho sa abroad. Sampung taon siyang naglingkod sa amin. Gusto kong malaman kung kailangan ba siyang bayaran ng separation pay sa tagal ng pamamasukan sa amin? — Mina
Dear Mina,
Nakasaad sa Republic Act 10361 ang mga karapatan ng mga kasambahay, katulad ng garantisadong 13th month pay at pagkakaroon ng SSS, PhilHealth at Pag-IBIG coverage. Pero walang nakasaad sa nasabing batas ang karapatan ng mga kasambahay sa pagkakaroon ng separation pay.
Sa ilalim ng Batas Kasambahay, walang nabanggit na separation pay na may katulad ng depinisyon sa Labor Code, kung saan nakasaad na katumbas ito ng kalahati hanggang isang buwan na suweldo para sa bawat isang taong serbisyo ng empleyado.
Sa halip na separation pay, makatatanggap lamang ang kasambahay ng dagdag na bayad na katumbas ng 15 araw na kita kung siya ay sinisante ng walang dahilan at ng mas maaga kaysa sa nakasaad sa kontratang kanyang pinirmahan, kung mayroon man.
Kahit ang dagdag na bayad na ito ay hindi angkop sa sitwasyon mo dahil hindi mo naman sinisante ng iyong kasambahay.
Kahit pa Labor Code lang ang pagbabatayan, wala pa ring karapatan na makatatanggap ang iyong kasambahay ng separation pay, na hindi ibinibigay sa mga empleyadong kusang nagre-resign o boluntaryong umaalis sa trabaho.
- Latest
















