‘Saging’ (Part 2)
TUWING Sabado at Linggo na wala kaming pasok sa school, tulung-tulong kaming magkakapatid sa pagtatanim ng saging. Karaniwang ang variety na saba ang aming tinatanim dahil ito ang pinapakyaw ng mga banana traders. Mayroon din kaming itinatanim na lakatan, latundan at señorita.
Sabi ni Itay: Pupunuin natin ng saging ang lupang namana ko. Wala tayong ibang itatanim kundi saging. Pinag-aralan ko na hindi gaanong masisira ng bagyo ang ating saging dahil may nakaharang na bundok. May proteksiyon ang mga itatanim nating saging kung sakali. Magtiis-tiis lang tayo mga anak at sa hinaharap ay makakamtan natin ang pangarap. Basta ang lagi ninyong tandaan, may ihahatid na suwerte sa atin ang mga itatanim na saging.”
Parang batas ang mga sinabi ni Itay kaya nagtulung-tulong kami sa pagtatanim ng saging. Mahirap ang pagtatanim ng saging. Pinakamahirap ang pagpasan ng mga suwi ng saging at saka ihuhulog sa hukay na hanggang hita ang lalim.
Pagkatapos kong maitanim ang nakatoka sa aking mga suwi, grabe ang pagod ko. Halos lumawit ang dila ko. Gusto ko nang sumuko sa pagtatanim ng saging.
Pero naalala ko ang mga sinabi ni Itay na magtiyaga sa pagtatanim at sa hinaharap ay makakamtang biyaya.
Tumututol ang kalooban ko. Para sa akin, walang pag-unlad sa pagtatanim ng saging. Ibang trabaho ang gusto ko.
(Itutuloy)
- Latest















