‘Kutsara’ (Part 7)
MAKALIPAS ang kalahating oras ay dumating si Tatay kasama si Nanang Felisa na kilalang mananawas sa aming barangay. Bukod sa mananawas, nanggagamot din si Nanang Felisda. Hindi siya nagpapabayad sa ginagawang pagtatawas. Kung ano ang ipagkaloob ng nagpatawas ay tinatanggap niya. Kung minsan ay tumatanggi pa siya. Matagal nang biyuda si Nanang Felisa. Ang mga anak ay may kanya-kanya nang pamilya. Nakamulatan ko na ang pagiging mananawas ni Nanang Felisa.
Tinanong ako ni Nanang Felisa kung ano ang mga nararanasan. Ikinuwento ko sa matanda ang mga naglalaglagang kutsara na kapag tiningnan ko sa sahig ay wala naman.
“Ilang beses mo ‘yang nararanasan, Ineng?” tanong ng matanda.
“Mga apat na beses na po Nanang.”
“Mga ilan sa palagay mo ang kutsara na bumabagsak?”
“Siguro po ay mga sampu—para pong nakabungkos nang bumagsak.”
Napatangu-tango si Nanang Felisa.
Maya-maya ay humingi ng maliit na planggana kay Nanay ang matanda.
“Lagyan mo ng tubig,” sabi kay Nanay.
Sinunod ni Nanay ang utos.
Nakita kong may inilabas na itim na kandila si Nanang Felisa. Sinindihan niya ang kandila.
Pagkatapos ay pinatuluan ng may sinding kandila ang tubig sa planggana. Maraming pumatak mula sa kandilang may sindi.
Hanggang sa may nabuong imahe sa tubig na nasa planggana. (Itutuloy)
- Latest















