Tres Queridas (10)
TAHIMIK na nakatulala sina Diana, Celeste at Lani sa corkboard.
Nakatapat si Diana sa kaniyang sariling litrato, kuha noong barista pa siya sa isang coffee shop sa isang mall sa Greenhills. Kuha ito sampung taon na ang nakaraan, bago pa man sila “di-inaasahang” magkakilala ni Carlo mismong coffee shop na iyon. Sa tabi nito ay ang pangalan ng kanyang namayapang ama: Frederick Paredes, Accountant.
Sa gitna, nakatitig si Celeste sa graduation photo niya at sa mga clippings tungkol sa kanyang amang businessman na si Ramon Vergara. At sa kabilang gilid, nakadikit ang larawan ni Lani noong High School pa ito, kasama ang pangalan ng ama nitong si Benjamin Ramos.
“Inimbestigahan niya tayo...” nanginginig na bulong ni Celeste. “Pinag-aralan niya ang pamilya natin.”
Sa gitna ng corkboard, may nakatali na kulay pulang sinulid na nag-uugnay sa tatlo nilang litrato patungo sa isang malaking artikulo sa pahayagan mula noong taong 2001. Ngunit sa mismong gitna ng pahina, may malaking punit. Halatang kakapunit lang nito dahil may maliliit na piraso ng papel sa sahig.
Bago pa man sila makapagsalita, bumukas ang pinto at pumasok ang caretaker na may bitbit na baso ng tubig. Pinangako kasi nito na bibigyan ng inuming tubig si Lani.
“O, Ma’am, ito na ‘yung tubig—” Natigilan ang caretaker nang makitang nakatakip na ulit ng manila paper ang corkboard dahil mabilis itong ibinalik ni Diana.
Inabot ni Lani ang tubig, habang mabilis na kinuha ni Diana ang ilang cassette tape mula sa organizer sa desk at isinilid ito sa kanyang bag.
“Salamat po, Kuya,” mahinahong sabi ni Diana habang inaalayan si Lani na tumayo. “Aalis na po kami.”
Tahimik silang lumabas ng St. Peregrine Apartments. Pagpasok nila sa loob ng SUV ni Celeste, tinitigan ni Diana ang dalawang babaing kasama.
“Hindi tayo basta lang pinagsabay-sabay ni Carlo na pakasalan dahil natipuhan niya lang tayo,”
“What do you mean?” tanong ni Celeste.
“Pinagplanuhan niya lahat ng ito. Para tayong mga susi na kinailangan niya para may mabuksan siyang malaking pinto.” (Itutuloy)
- Latest




















