EDITORYAL - Sunud-sunod na trahedya sa kalsada

HINDI pa man humuhupa ang malagim na trahedya sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) nang araruhin ng Solid North bus ang mga nakapilang sasakyan na ikinamatay ng 10 katao noong Mayo 1, isa na namang malagim na trahedya ang naganap sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Mayo 4. Inararo ng itim na SUV ang mga taong naghahatid sa mga kaanak na aalis. Dalawa ang namatay at apat ang nasugatan kabilang ang isang limang taong gulang na batang babae.
Sa kuha ng CCTV, naka-park ang SUV nang bigla itong humarurot at bumangga sa railings at tinumbok ang mga tao sa harap ng departure area. Sa lakas ng impact, nabunot ang nakaharang na bollard sa rampa. Nang mahawi ang usok ng nagwalang SUV, tumambad ang mga nasagasaan.
Nadakip ang drayber ng SUV na sinabing nagkamali raw siya ng tapak sa pedal ng sasakyan—sa halip na preno ay gas ang kanyang natapakan. Ayon pa sa drayber, may sasakyan daw na humarang sa harap niya pero sa CCTV, wala namang nakitang sasakyan. Nahaharap sa reckless imprudence resulting in multiple homicides, multiple physical injuries, and multiple damage to property ang drayber na nakilalang si Leo Gonzales, 47.
Kalunus-lunos ang nangyari sapagkat isang walang kamalay-malay na bata ang nadamay sa masasabing kamalian ng drayber. Ayon sa report nasa NAIA ang bata dahil maghahatid sa ama nito na isang OFW. Limang taon umano na hindi nagkita ang mag-ama. Napakalungkot. Dahil sa iresponsableng drayber, may nasayang na namang mga buhay.
Sa mga nangyaring trahedya, ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsasailalim sa mandatory drug testing ng mga public utility vehicles (PUVs). Gagawin ang drug testing tuwing ikaanim na buwan. Ito ay upang hindi na maulit ang mga malalagim na aksidente.
Nararapat din namang maghigpit sa pag-iisyu ng lisensiya ang LTO. Maraming drayber ang naiisyuhan ng lisensiya dahil sa mga corrupt na LTO officials. Sa huli, ang nagiging biktima ay mga kawawang pedestrians at mga pasahero.
Sa ibang bansa, katulad sa Japan at Australia, napakahirap makakuha ng driver’s license. Dumaraan sa butas ng karayom ang mga aplikante bago maipasa ang driving tests. Dito sa Pilipinas, wala pang isang oras, may lisensiya na ang aplikante kahit walang alam sa pagmamaneho. Madali lang magkaroon ng lisensiya dahil sa padulas na pera pero ang kapalit ay buhay ng pedestrians at pasahero kapag nadisgrasya.
- Latest















