‘Kutsara’ (Part 3)
DAHIL bata pa ako noon, tumango na lang ako nang tumango sa mga sinabi ni Lola Nita na alagaan ko at huwag pababayaan ang mga kutsara niya. Palibhasa’y wala pa sa akin ang tungkol sa kahalagahan ng mga sinaunang gamit, basta umayon na lamang ako sa mga ipinagbilin ni Lola. Ang akala ko, basta salita lang iyon at wala namang gaanong kabuluhan. Natuwa naman si Lola sa pagtanggap ko ng responsibilidad na alagaan ang kanyang mga kutsara.
Lumipas ang mga taon. Namatay si Lola Nita. Ang kanyang mga gamit sa bahay ay pinamana sa akin kabilang ang mga kutsara.
Dahil kailangan ko nang mag-aral sa kolehiyo sa Maynila, nalimutan ko ang mga bilin ni Lola Nita ukol sa mga kutsara. Ang pag-aaral kasi ng nursing ang napagbuhusan ko ng pansin.
Hindi na ako nakauwi ng probinsiya dahil sa sobrang kaabalahan sa pag-aaral. Lalo pa akong naging busy nang magsimula akong mag-duty bilang bahagi ng kursong nursing. Sa isang kilalang unibersisad ako nag-aaral.
Nakatira ako sa isang boarding house na malapit sa school. Dahil nagdu-duty ako sa gabi, pasadong alas dose na ako nakakauwi.
Minsan isang gabi na umuwi ako, nagulat ako nang pagbukas ko sa pintuan ay may nagbagsakang mga kutsara sa sahig. Napakalakas ng ingay!
Nang tingnan ko, wala namang kutsara sa sahig! (Itutuloy)
- Latest















