‘Kutsara’ (Part 2)
“LOLA ba’t ang daming nakalabas na kutsara e tatlo lang naman kami na kakain ng pinaltok?’’ tanong ko habang nakapuwesto na kami ng mga kapatid kong sina Tirso at Edgar sa mesa. Nasa harap namin ang umuusok na pinaltok na nasa mangkok.
“Aba, masuwerte kapag inilalabas ang mga kutsara kahit na iilan ang bisita. Dapat kahit minsan isang taon, ilalabas ang mga kutsara at tinidor,” sabi ni Lola Nita at isa-isa kaming inabutan ng kutsara. Halatang mga sinauna ang kutsara.
“Bakit po kailangang ilabas ang mga kutsara, Lola Nita?” tanong ni Tirso.
“Para maging masuwerte sa buhay at dumami ang grasya. Kapag hindi inilabas sa cabinet ang mga kutsara, nawawalan sila ng saysay—dapat gamitin at pakinabangan.”
Napatangu-tango na lamang kaming tatlo.
Ako ay makahulugang nakatitig kay Lola Nita.
“Sige kumain na kayo habang mainit ang pinaltok. Masarap yan dahil pawang bago ang inilagay kong sahog. Ang saging na saba ay hinog sa puno, bagong hukay ang kamote at bago ang sago. Kung buhay ang lolo n’yo, tuwang-tuwa yun. Paborito niya ang pinaltok.”
Kumain kami.
Tama si Lola Nita, napakasarap ng pinaltok niya—espesyal talaga.
ISANG araw na kami lamang ni Lola Nita ang nasa bahay, sinabi niya na sa akin niya iiwan ang mga kutsara kapag siya ay yumao na.
“Bakit po sa akin, Lola?”
“Kasi alam kong aalagaan mo at mamahalin ang mga kutsara. Ikaw na ang bahalang maglinis at minsan isang taon, ilabas mo sila lahat.” (Itutuloy)
- Latest















