‘Anting’ (Part 7)
NAGTAKA ako kung bakit mahaba ang nakapa ko. At bakit masyadong makapal.
Sinubukan kong iangat ang bahaging nahawakan ko pero hindi matinag o maikilos man lang. Malalim yata ang pagkakabaon!
Hinukay ko ang paligid. Maingat na maingat ako na huwag tamaan ang bagay na nakapa ko. Kung ito ang anting na hinahanap ko, matatapos na ang paghihirap ko. Sa wakas, nagkakaroon na rin ako ng anting. Pagkaraan nang maraming taon, mayroon na rin akong proteksiyon laban sa mga mambu-bully sa akin.
Pero bakit kaya mahaba at makapal itong nakakapa kong bagay? Baka naman ibang klaseng hugis ng anting? Baka hindi triyanggulo gaya nang nakita ni Lolo Pablo.
Ipinagpatuloy ko ang pag-huhukay sa paligid ng misteryosong bagay.
Nang malalim na ang nahuhukay ko, kinapa-kapa ko ang bagay. Talagang mahaba at tila mataba.
Kinapa kong muli. Pabilog ang katawan.
Sinubukan kong iangat. Pero mabigat. Hindi ko kakayanin.
Dahil hindi ko kakayanin, tinawag ko na sina Larry at Totoy.
“Tulungan n’yo akong iangat ang nahukay ko!”
Mabilis na lumapit ang dalawa.
“Ano ‘yan, anting?’’ tanong ni Larry.
“Hindi ko alam. Mabigat. Iangat natin!”
Pinagtulungan naming maiangat ang bagay.
Nahirapan kaming iangat dahil mabigat.
Makalipas ang ilang beses naming pagtatangka, naiangat namin ang misteryosong bagay.
Nagulat kami sa nakita.
Grabeng nerbiyos ang naramdaman namin! (Itutuloy)
- Latest