‘Anting’ (Part 6)
May tinamaan ang shovel nang muli akong maghukay. Parang bakal ang tinamaan!
Kinabahan ako. Naalala ko ang ikinuwento ng aking ama na kabilin-bilinan ni Lolo Pablo na mag-ingat sa paghuhukay at baka tamaan ang anting. Maaring mawalan ng bisa ang anting kapag tinamaan ng panghukay.
Maaari rin daw na mabasag ang anting at sayang lang ang pagod dahil wala na itong kapangyarihan.
Dinahan-dahan ko ang paghuhukay. Halos kamayin ko na lang ang paghukay sa takot na masira ang anting.
Hindi ko naman sinasabi kina Larry at Totoy na mayroon akong tinamaang metal. Sila man ay tahimik din sa ginagawang paghuhukay. Hindi ko alam kung may nahukay na silang anting. Baka sinisekreto rin ng dalawa ang nahuhukay.
Naisip kong sorpresahin ang dalawa. Tiyak nang anting ang tinamaan ng shovel.
Nagpatuloy ako sa maingat na paghuhukay. Dahan-dahan ang ginawa kong pagkutkot sa lupa. Mabuti at malambot ang lupa kaya madaling kutkutin ng aking mga daliri.
Hanggang sa may masalat ako sa ilalim. Matigas. Bakal!
Ito na yata ang anting!
Kinutkot ko pa. Nasalat ko na nang todo ang matigas na bagay.
Bakit mahaba yata ang nakakapa ko?
Tinangka kong iangat. Mabigat!
(Itutuloy)
- Latest