^

Punto Mo

Malaswang biro

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa
This content was originally published by Pang-masa following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.

MAY tatlong kandidato sa darating na elekisyon sa Mayo ang pinagpapaliwanag ng Comelec hinggil sa malalaswa nilang biro sa panahon ng pangangampanya. Nakakasiguro ako na mas marami pa ang katulad nila, hindi lang nabalita o na-social media. Of course, ang katuwiran ng mga ito ay biro lang naman daw, joke lang, at hindi naman daw sila seryoso. Totoo ba?

Ang Panginoong Hesus na nakasisiyasat ng puso ng tao ay nagsabi ng ganito sa Lucas 6:45, “Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib.” Kaya kung paniniwalaan natin si Hesus, hindi totoong ang pagmumura at malalaswang biro ay “bulaklak” lang ng dila, sapagkat ang mga ito’y nagmumula sa kaibuturan ng puso. Kung ano ang nakatagong laman ng puso ay nalalantad sa pamamagitan ng sinasabi ng bibig.

Isang paraan kung gusto mong malaman kung ang isang kandidato’y marangal na tao at maaaring pagkatiwalaan, pakinggan mo ang kanyang mga kwento’t biro. Kung ang kanyang mga kuwento’t biro ay punung-puno ng kalaswaan, mas malamang kaysa hindi, na punumpuno ng kalaswaan ang kanyang puso’t isip.

Kung ang pagsasalita niya’y laging hinahaluan ng malutong na mura, mas malamang kaysa hindi, na punung-puno ang kanyang puso’t isip ng galit, sama ng loob, at karahasan.

Napakaraming malalaswang biro sa panahon ng kampanya, na nalalantad hindi lamang sa pamamagitan ng pagsasalita. Kapag ang isang kandidato’y walang ginawa kundi ang magpa-cute at sinasaliwan pa ng pagsasayaw, malaswang biro rin iyan.

Kapag ang isang kandidato’y walang ginawa kundi ang siraan ang kanyang mga katunggali, sapagkat wala siyang masabing magandang nagawa, malaswa ring biro iyan. Kapag ang isang kandidato’y nangangako ng mga bagay na wala namang kinalaman sa pwestong kanyang tinatakbuhan, halimbawa’y nangangakong magbibigay ng maraming ayuda, gayong ang tinatakbuhan ay sa Kongreso na tagagawa ng batas, malaswa ring biro iyan.

Heto ang nuno ng kalaswaan—kapag tinangka ng isang kandidato na bilhin ang iyong boto, ang ibig sabihin nito’y ikaw mismo ang itinuturing niya na isang malaswang biro, isang taong ang dangal ay nabibili ng pera.

Ang isang kandidatong bumibili ng boto ay walang dangal; ang isang botanteng nagbebenta ng boto ay lalong walang dangal. Kaya’t ito’y sabwatan ng dalawang taong walang dangal.

Nitong mga nakaraang linggo, lumabas ang mga survey kung sino ang nangunguna sa mga tumatakbo sa Senado na ang tungkulin ay gumawa ng batas, kung kaya’t ang tugma rito’y mga kandidatong malalim ang kaalaman sa iba’t ibang displina, malawak ang karanasan sa pagsulat ng batas, at higit sa lahat, may mabuting pagkatao.

Nakalulungkot ang resulta: kulelat ang mga kandidatong nagtataglay ng mga katangian na titiyak na makasusulat ng mga batas na magpapabago sa Pilipinas. Ang nangunguna’y mga kandidatong popular at galing sa isang pamilya. Talagang ang eleksiyon dito sa atin, lalo na sa Senado, ay nauwi na sa isang popularity contest.

Maraming hindi karapat-dapat ang nahahalal, ngunit mas maraming karapat-dapat ang hindi nahahalal. Ang dahilan, sapagkat napakaraming botante ang hindi nag-iisip o sadyang walang isip. Maraming botante ang nadadaan sa pa-joke-joke, pasayaw-sayaw, padrama-drama, pacute-cute.

Ito’y hindi lamang malaswang biro, kundi isang nakatatakot na bangungot. Kailan kaya tayo magigising? Magigising din daw tayo, pero maaaring sa mga susunod pang henerasyon. Haayyy!

BIRO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with