^

Punto Mo

EDITORYAL - ‘Silent killer’

Pang-masa
EDITORYAL - �Silent killer�

MATATAWAG nang “silent killer” ang hangin sa Metro Manila dahil sa masamang quality nito. Maraming nagkakasakit dahil sa nalalanghap na maruming hangin. Sa kabila nito, wala namang nakikitang sigasig sa pamahalaaan para mapabuti o maging healthy ang hangin sa lungsod. Hindi na ipinatutupad ng pamahalaan ang Clean Air Act na ipinasa noon pang 1999. Mula nang ipasa ang batas, walang nakitang pagbabago sa hangin sa Metro Manila—lalo pang naging marumi at tila wala nang pa­kialam ang ahensiya ng pamahalaan na dapat ay mahigpit na magpapatupad ng batas. Walang aksiyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para maging sariwa ang nalalanghap na hangin ng mga residente.

Nilikha ang Clean Air Act na ang layunin ay ma­sigurong malinis ang nilalanghap na hangin ng mama­mayan. Sa ilalim ng batas, mahigpit na pinagbabawal ang paggamit ng incinerator sa pagsunog ng basura, pagbabawal sa mga lumang sasakyan na bumiyahe at ang mandatory emission testing ng mga sasakyan. Pero sa kasalukuyan, hindi na nga naipatutupad ang Clean Air Act at nagmistulang dekorasyon na lamang ito. Bago ito naipasa, dumaan sa mga debate at kumain nang maraming oras ng mga mambabatas. Wala ring nangyari sapagkat marumi pa rin ang hangin.

Sa lahat ng mga lungsod sa Metro Manila ang Maynila ang may pinaka-“very unhealthy” na Air Quality Index na 218. Sinundan ito ng Makati na may 166; Taguig, 159; at Parañaque, 153, na pawang mga nasa kategoryang “unhealthy”. Pinakamalala ang air pollution pagkatapos ng selebrasyon ng Bagong Taon.

Sinabi ng DENR, 70-80 percent ng emissions ay galing sa mga tambutso ng mga pampasaherong sasakyan. Ang maruming usok na binubuga ng mga karag-karag na sasakyan, gaya ng jeepneys ang nala­langhap ng commuters. At sa kabila na major pollu­tants ang mga dyipni, hinihirit ng ilang transport groups na huwag alisin sa kalsada ang mga ito. Tutol sila sa jeepney modernization program.

Sinabi ng Department of Health (DOH), ang mga sakit na nakukuha sa air pollution ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmo­nary­­ diseases, cancer at cardiovascular diseases. Ayon sa DOH, 120,000 Pilipino taun-taon ang namamatay dahil sa pagkalanghap ng maruming ha­ngin. Ayon pa sa pag-aaral, ikatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na maraming namamatay dahil sa pagkakalanghap ng maruming hangin.

Pagtuunan ng pansin ng DENR ang masama at lumalalang kalidad ng hangin sa Metro Manila at mga kalapit na bayan. Ipatupad ang nakapaloob sa Clean Air Act. Iligtas ang mamamayan sa “silent killer”.

DENR

  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->