‘Walis’ (Part 11)
“ALAM mo ba Divina kung bakit ganito na lamang ang pagmamalasakit namin sa iyo ni Ate Marie mo?’’ tanong sa akin ni Ate Lydia.
“Bakit po Ate Lydia?’’ tanong ko.
“Dahil kami rin ay biktima ng pang-aabuso at pagmamaltrato na katulad mo. Kung ikaw ay hampas ng walis ang natikman, ako ay tukod ng bintana at si Marie ay latigo.”
Hindi ako makapagsalita sa sinabi ni Ate Lydia. Pareho pala kami ng dinanas.
“Ako pinagmalupitan ng madrasta,’’ sabi ni Ate Lydia. “Nang mamatay si Inay, nag-asawa muli ang magaling kong tatay. Ang nadampot niyang babae, ubod ng sama. Kapag umaalis si Itay patungo sa trabaho, kung anu-anong kasamaan ang ginagawa sa akin. Kapag nagkamali ako, ang anumang mahagilap sa paligid niya, inihahampas sa akin. Madalas na mahagilap niya ay tukod ng bintana. Kapag hindi ko nahugasan ang pinggan, hahampasin ako ng tukod. Binabantaan na huwag akong magsusumbong kay Itay dahil masama ang mangyayari sa akin.
“Pero nagsumbong pa rin ako kay Itay. Ang masakit, ako pa ang pinagalitan ng magaling kong ama. Matigas daw kasi ang ulo ko kaya napaparusahan.
“Nang hindi ko na matagalan ang ginagawa, naglayas ako. May tumulong sa akin nang mapadpad dito sa Maynila at sa awa ng Diyos, sinuwerte ako.
“Nakapagtapos ako ng kolehiyo.” (Itutuloy)
- Latest