‘Pala’ (Part 18)
MANGHANG-MANGHA ako sa mga ikinuwento ni Mam Socorro ukol sa kanyang father na halos katulad din ng nangyari sa akin na nakapulot ng lumang pala. Mula raw nang mapulot ang shovel o pala, nagkasunud-sunod ang suwerte sa kanyang ama.
“Sinuwerte sa negosyo ang aking father mula nang gamitin niya ang shovel. Nagtanim daw ng niyog ang kanyang father sa maliit na espasyong lupa gamit ang shovel. Nagbunga nang marami ang mga niyog. Hitik na hitik. Kinopra raw niya ang niyog at dun nagsimula ang pagdami pa ng mga kinopra niya.
Mula sa napagbentahan ng kopra, nabili niya ang katabing lupa at tinaniman ng niyog at saging.
“Dumami ang niyog kaya nagkaroon na siya nang malaking koprahan. Hanggang siya na ang may pinakamalaking koprahan sa kanilang lugar. Nang tumagal, siya na ang namimili ng kopra at ibinebenta naman sa pabrika na gumagawa ng coconut oil.
“Kasabay sa paglago ng copra industry, dumami rin ang ani ng saging. Ipinasya ng aking father na magtayo ng banana chip factory. Umunlad din ang negosyo.”
Habang nagkukuwento si Mam Socorro ay nag-iimadyin ako na sana ay ganundin ang maging kapalaran ko—yumaman din sana ako!
(Itutuloy)
- Latest