Pananalig at pag-asa
BINAYO nang malakas na bagyo ang lugar nina Buboy. Pagkatapos ng bagyo ay tumambad sa buong barangay ang natumbang mga puno ng saging at niyog at dumapang mga palay na malapit nang anihin. Mula nang bumagyo, isang beses na lang kumakain ang mag-anak nina Buboy. Nasira ang taniman nila ng sibuyas at bawang.
Nabalitaan ni Buboy na ang mga kapitbahay nila ay nanghihingi ng limos sa mga motoristang dumadaan sa national highway. Naisip niyang sumama sa kapwa bata para kahit paano ay may maibili silang bigas. Hindi makarating sa kanila ang relief goods dahil nagiba ang nag-iisang tulay na dinadaanan patungo sa kanilang barangay.
Dahil wala nang tulay kaya lulusong muna sila sa ilog na malalim ang tubig. Bago umalis ng bahay, nagdasal muna si Buboy sa kanilang munting altar. Tapos kinuha niya ang isang plastic bag. Tiniklop niya ito at isinilid sa bulsa ng kanyang shorts. Napansin iyon ng kanyang ina.
“Para saan ang plastic bag?” tanong ng ina.
“Dito ko po ilalagay ang mga pagkaing matatanggap ko.”
“May mamimigay ba ng pagkain?”
“Hindi ko po alam. Baka po. Nagdasal ako sa Diyos na sana po ay may magbigay ng pagkain o pera para may makain tayo mamaya. Mabuti na po ‘yung may mapaglalagyan ako ng pagkain. Kung may magbigay ng limos na pera, didiretso ako sa palengke at bibili ako ng pagkain. Dito ko sa plastic bag ilalagay ang pinamili ko.”
Pagdating ng mga bata sa highway, maraming motorista ang naawa sa mga ito kaya’t bago magtanghalian ay nagpasya si Buboy na humiwalay na sa grupo upang ipamili ng pagkain ang natanggap na limos.
Nang dumating siya sa tapat ng palengke, nakita niyang may namimigay ng libreng iba’t ibang gulay. Inilabas niya ang plastic bag at doon inilagay ang gulay na pagsasaluhan nilang mag-anak. Ibinili niya ng bigas ang perang napalimusan.
Pagkatapos ay masaya siyang umuwi.
Bukas magdadasal ulit siya.
- Latest