^

Punto Mo

EDITORYAL - May katiwalian sa bumagsak na tulay

Pang-masa
EDITORYAL - May katiwalian sa bumagsak na tulay

GRABE ang nangyaring pagbagsak ng Cabagan-Sta Maria Bridge sa Isabela noong Pebrero 27. Nahati ito sa gitna makaraang dumaan ang isang truck na may kargang bato na may bigat na 102 tonelada. Wala sa porma ng tulay na ginastusan ng P1.2 bilyon na basta na lamang magigiba. Bagumbago ang tulay sapagkat kasasailalim lamang sa retrofitting sa loob ng 10 taon. Binuksan lamang ito noong Pebrero 2, 2025. Walong tao ang nasugatan sa insidente.

Dahil sa pagbagsak ng tulay, nagbanta si President Ferdinand Marcos Jr. na “may gugulong na ulo”. Kapag ganito ang banta, halos natitiyak nang may kinalaman sa korapsiyon ang dahilan kaya bumagsak ang tulay. Hindi babagsak ang istruktura kung kumpleto at nasa magandang kondisyon ang mater­yales. Bumabagsak at nasisira ang mga istruktura kapag tinipid. Maaaring ang bilyones na ginastos ay naging milyones na lamang. Babagsak talaga ang istruktura kapag tinipid. Naibulsa na ang malaking bahagi ng pondo.

Nakagugulat naman ang sinabi ng DPWH-Region 2 na ang tulay umano ay earthquake proof. Kung earth­­quake proof, bakit bumagsak agad. Napakalambot ng bakal na ginamit. Ampaw ang mga haligi ng tulay. Ayon pa sa DPWH, mananagot ang may sala sa pagbagsak ng tulay. Kung nagkulang ang contractor ng tulay, mananagot sila.

Sabi naman ng Malacañang, ang sinumang mapapatunayan na may kasalanan sa pagbagsak ng tulay ay dapat makulong. Pinaiimbestigahan din ng Palasyo kung may kaugnayan ang korapsiyon sa pagbagsak ng tulay.

Maaaring malaki ang kaugnayan ng korapsiyon sa pagbagsak ng tulay. Walang ipinagkaiba sa ibang proyekto ng DPWH na batbat ng korapsiyon. Ang mga kalsada na laging binubungkal kahit hindi naman sira ay malinaw na korapsiyon. Laganap ito. Kaila­ngang gibain ang kalsada para kumita.

Noong 2020, nalantad na 12 kongresista ang tuma­tanggap ng kickback sa infrastructure projects ng Department of Public­ Works and Highways (DPWH). Dahil sa laki ng kickback ng mga kongresista at sa por­siyentong nakukuha ng mga korap na DPWH officials, 50 percent na lang ang napupunta para sa project at ito ang dahilan kaya substandard ang mga proyekto. Ampaw ang mga kalsada at tulay kaya madaling ma­sira at bumabagsak.

Ganito kaya ang nangyari kaya bumagsak ang tulay? Batbat ng korapsiyon kaya mahina ang pundas­yon? Ang bilyong pisong pondo ay pinaghati-hatian. Dapat maimbestigahan ang pagbagsak ng tulay.

Inaabangan na ng taumbayan ang “gugulong na ulo” at sana ay totoo ito at hindi bulaklak lamang ng dila. Nagsasawa na ang taumbayan sa korapsiyon kaya dapat may managot.

TULAY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with