Mayang (156)
“HINDI na natuklasan ang ginawang pagpatay ni Henry sa taksil na asawa at kalaguyo dahil nasapawan ng mga pangyayari sa bahay na ginawang shabu lab at torture chamber na rin ng drug syndicate. Ang krimen na ginawa ni Henry ay kasama na ring nalibing sa hukay,’’ pagkukuwento ni Colonel kina Jeff, Mayang at Mam Araceli.
“E tungkol po sa pagtakas nina Henry at Puri sa city jail, ano po ang sinabi o ikinuwento sa iyo ni Cristy tungkol dun?’’ tanong ni Jeff.
“Wala na siyang nalaman sa pagtakas nina Henry sa city jail. Sabi ni Cristy, ang huling pag-uusap nila ni Henry ay nang hatulan ito nang habambuhay na pagkabilanggo ng korte. Dumalo siya sa hearing ng kaso ni Henry at ang huling sinabi sa kanya ni Henry ay huwag nang dadalaw sapagkat ibibiyahe na sila sa Bilibid. Masyadong malayo na ang Bilibid at okey lang sa kanya na kahit walang dumalaw.
“Pero sabi ni Cristy, wala raw siyang nahalata kay Henry na may balak itong tumakas. Sabi pa ni Cristy, mukhang tanggap na ni Henry ang kapalaran. Para bang nagsawa na rin siya sa pagtatago sa batas.
“Kaya mula noon, hindi na sila nagkitang magkapatid. Hanggang sa mabalitaan na lamang niya na tumakas ito sa city jail, isang araw bago ang nakatakdang pagdadala sa Bilibid. Nilagari umano nina Henry ang rehas ng selda. Pawang mga tauhan ni Henry ang kasamang tumakas at kabilang doon si Puri.
“Hanggang sa mabalitaan na lamang niya na napatay si Henry sa Pinamalayan kasama ang isang babae—si Puri nga.
“Wala raw alam si Cristy kung ano ang dahilan at tumakas si Henry. Akala nga raw niya ay magbabagumbuhay na ang kapatid. Umiyak na lamang daw nang umiyak si Cristy nang mabalitaan na napatay si Henry.
“Makalipas ang ilang araw, nakita na niya ang bangkay ng kapatid. Walang patid ang kanyang pag-iyak. Gusto raw niyang ipagsigawan na mabuting tao ang kanyang kapatid. Hindi ito likas na masama.
“Ipinalibing niya nang maayos si Henry. Sa isang memorial park niya ito pinalibing. Lagi raw niyang dinadalaw ang puntod nito. Hindi raw nagbabago ang pagtingin niya sa kapatid na para sa kanya ay nag-iisa sa mundo.” (Itutuloy)
- Latest