Pagpirma ng quitclaim
Dear Attorney,
Paano kapag tatanggalin daw kaming mga empleyado at pinapapirma po kami ng quitclaim. Tinatakot pa kami na iipitin daw ang sahod kung hindi namin pipirmahan ‘yung quitclaim. Tama po bang pumirma kami ng quitclaim? — Janice
Dear Janice,
Kung may tinatawag na authorized cause o legal na basehan ang inyong employer para kayo ay tanggalin ay karapatan ninyo namang makatanggap ng separation pay. Dahil karapatan ng isang natanggal na empleyado dahil sa authorized cause ang makatanggap ng separation pay, dapat ay wala ng kung ano pang kondisyon para makuha ang separation pay.
Kaya kung ang sinasabi mong sahod na maaring ipitin ay tumutukoy sa separation pay ay dapat wala ng kaakibat na kondisyon para matanggap ninyo ito.
Gayunpaman, wala namang iligal sa pagpapapirma ng quitclaim at maaring paraan lamang ito ng pag-iingat ng employer. Maari rin na kahalintulad lang ng isang acknowledgment receipt ang sinasabi mong quitclaim.
Hindi rin naman basta-basta ipagpapalagay na may bisa sa ilalim ng batas ang isang pinirmahang quitclaim. Kinikilala lang ng mga korte ang quitclaim kung ito ay (1) boluntaryong ginawa o pinirmahan ng empleyado; (2) wala itong bahid ng panlilinlang o panloloko mula sa anumang panig, mapa-employer man o empleyado; (3) ang konsiderasyon o ang kapalit para sa pagpirma ng quitclaim ay sapat at makatwiran; at (4) hindi ito labag sa batas, sa pampublikong kaayusan, sa moralidad, o sa karapatan ng ibang tao [Goodrich Manufacturing Corp. v. Ativo, 625 Phil. 102, 107 (2010)].
Ang payo ko, kung sigurado ka na wala ng ibang legal na isyu ukol sa pagkakatanggal ninyo at tama na naman ang ibibigay sa inyong separation (kung separation pay nga ang tinutukoy mong sahod na iipitin) ay walang masama na pumirma sa quitclaim na sinasabi mo.
Katulad ng sinabi ko, hindi rin naman ito basta-basta makakaapekto sa mga karapatan ninyo lalo na kung may depekto ito katulad ng pagkakaroon ng bahid ng panloloko o hindi sapat ang naging konsiderasyon para sa pagpapapirma nito.
- Latest