Ang lalaking mukhang kulangot
NOONG bagong lipat pa lang kami dito sa aming tirahan, may isang lalaki na laging pinagti-tripan ang aking kapatid na dalaga na noon ay nag-aaral pa lang sa kolehiyo. Ang bahay niya ay nadadaanan ng aking kapatid kapag lumalabas siya ng subdivision. Ang lalaki ay nasa kanyang 40’s noong panahong iyon, mukha namang may pinag-aralan, may asawa at anak na dalaga.
Ang ipinagtataka ng aking kapatid ay lagi siyang sinusutsutan ng lalaki na parang tumatawag sa kalapati tuwing dadaan siya. Tapos ay may sasabihin ito na hindi maintindihan ng aking kapatid habang nakangisi. Minsan ay kasama niyang naglalakad ang kanyang boyfriend nang bigla silang sinigawan ng lalaki: “Ang pangit ng boyfriend mo!”. E, sa totoo lang, kulangot lang siya kumpara sa guwapong boyfriend ng kapatid ko.
Gusto ko sanang puntahan sa bahay nila ang lalaki at komprontahin ito para magkalinawan kami kung ano ang problema niya sa kapatid ko at para na rin ibisto sa misis nito ang kabastusan ng mister niya. Kaya lang nagdalawang isip ako. Una, nasa abroad ang mister ko, paano kung mapaaway ako? Anong laban ko sa lalaki?
Sa tipo ng lalaki, hindi ito tatablan ng hiya at lalo lang mang-aasar kapag kinompronta ko siya. Hindi lahat ng giyera ay dapat patulan. Choose your battle. Palibhasa’y wala akong magawa, ipinagdasal ko na lang ang aming problema at pinalipat ko na lang sa boarding house ang aking kapatid malapit sa kanyang school.
Lumipas ang ilang taon, maagang nag-asawa ang anak na babae ng lalaking mukhang kulangot dahil buntis na ito. Babaero ang naging manugang hanggang sa tuluyan nang naghiwalay ang mga ito. Minalas ang anak sa pag-aasawa.
Sa isip ko lang, bahagi lang iyon ng bad karma ng lalaking mukhang kulangot. Ang malungkot lang, anak niyang babae ang nagbayad sa kanyang kabastusan. Ganoon daw talaga kung minsan, mahal niya sa buhay ang pinagbabayad para mas matindi ang sakit. Biruin mo, nambabastos ng batang babae na parang anak mo na ang edad kahit wala namang atraso sa iyo. Basta’t nagpagtripan mo lang bastusin.
- Latest




















