Pag-aalok ng resignation, sapat na bang dahilan para sa reklamo?
Dear Attorney,
Forced resignation po ba ang nangyari sa akin? Nagpatawag po kasi ng admin hearing tungkol sa violation ko raw po at sa hearing po ay pinapili ako kung magre-resign na lang ako kesa naman daw i-terminate ako. Pinili ko lang po mag-resign. Masasabi po bang constructive dismissal ang ginawa sa akin? — Elizabeth
Dear Elizabeth,
Hindi basta-basta ipagpapalagay na may forced resignation o constructive dismissal kung ang empleyado ay inalok ng resignation at tinanggap niya ito.
Makikita sa kaso ng Central Azucarera de Bais, et al. v Siason (GR No. 215555, 29 July 2015) na may mga pagkakataong hindi illegal ang pag-aalok ng resignation dahil minsan ay ginagawa lamang ito ng employer upang makaiwas ang empleyado sa posibleng kahihiyan mula sa pagkakatanggal sa trabaho.
Kaya kung ikaw ay magsasampa ng reklamo base sa constructive dismissal, siguraduhin mo na may sapat kang pruweba para mapatunayan na napilitan ka lamang na mag-resign.
Hindi mo naman binanggit kung bakit tinanggap mo ang alok ng kompanya na ikaw ay mag-resign kaya mahirap sabihin kung may constructive dismissal base lamang sa nasabing alok na ikaw ay magbitiw.
Mainam kung bukod sa alok sa iyo na mag-resign ay may iba ka pang pruweba na nagpapakita na hindi boluntaryo ang naging pag-alis mo sa kompanya.
Kung mapapatunayan mo na ang iyong pagtanggap sa alok na resignation ay dulot halimbawa ng panggigipit sa iyo sa trabaho ay maaring matawag na constructive dismissal nga ang nangyari sa sitwasyon mo.
- Latest