‘Labaha’ (Part 6)
“UMIIYAK si Paul nang dumating at nirereklamo na nasaktan siya nang ahitan mo! Mahapdi raw ang ulo niya!’’ sabi ni Inay kay Tiyo Nonoy.
“Paano mangyayari yun e lagi kong hinahasa ang labaha. Yun ang ginagamit ko sa mga nagpapagupit sa akin at si Paul lamang ang nagreklamo.”
“Bakit ganun?’’
“Hindi ko alam. Nasaan si Paul?’’
“Nasa kuwarto at umiiyak.”
“Sabihin mong lumabas at aayusin ko ang gupit niya. Ibang labaha ang gagamitin ko.”
Pumasok si Inay sa kuwarto para tawagin ako.
“Paul, aayusin ni Tiyo Nonoy mo ang iyong buhok. Halika na!’’
“Ayoko!”
“Ibang labaha ang gagamitin niya. Halika na!’’
“Sa ibang barbero ako magpapagupit—hindi sa kanya!’’
“Hindi ako napilit ni Inay.’’
Para maisaayos ang gupit ko, pinakiusapan ni Inay ang kasamang barbero ni Tiyo Nonoy na si Mang Santi na ayusin ang aking buhok.
Pumayag naman si Mang Santi.
At nagtaka ako sapagkat ang ginamit na labaha ni Mang Santi ay napakatalas! Hindi katulad ng labaha ni Tiyo Nonoy na napakapurol!
(Itutuloy)
- Latest