‘Kuwago’ (Part 12)
“S-SANA N-ninang n-nakinig a-ako sa’yo n-nang s-sabihin m-mong p-pakawalan ko ang k-kuwago. H-hindi s-sana a-ako n-naaksidente at h-humantong sa g-ganito,’’ sabi ng inaanak kong si Benny nang muli ko siyang dalawin. Bagama’t buhay, mananatili na siyang nakaratay sa higaan dahil napinsala ang kanyang spinal column. Himala na lamang ng Diyos ang tanging inaasahan para gumaling si Benny.
“Huwag mo nang sisihin ang sarili Benny. Ang mahalaga ay buhay ka. Huwag ka lang titigil sa pagdarasal. Kaaawaan ka ng Diyos.’’
“N-nagdarasal a-ako pa-palagi, Ni-ninang. S-s-ana i-ipagdasal mo r-rin a-ako, N-ninang?’’
“Oo naman. Hihilingin ko sa Diyos na gumaling ka. Huwag kang mawawalan ng pag-asa, Benny. Maraming nangyayaring himala sa mga taong nagtitiwala sa Diyos.’’
“Opo Ni-ninang, h-hindi ako m-mawawalan ng p-pag-asa. M-maraming sa-salamat Ninang.’’
Sa nangyari kay Benny at sa iba ko pang kakilala na nagkaroon ng kaugnayan ang pag-aalaga ng kuwago, lalo nang tumibay ang paniniwala ko malas talaga ang ibon na ito.
Kaya kapag nakakakita ako ng kuwago, kahit sa mga pelikula, Facebook, magazine, newspaper at iba pa, kinikilabutan ako. Ayaw kong makakita ng kuwago.
MINSAN, nagsimba ako sa Baclaran. Pagkatapos ng misa ay namasyal ako sa mga tindahan ng damit. Napasok ko ang kaloob-looban ng mga tindahan doon.
Nalibang ako sa marami at magagandang tinda.
Hanggang sa paglalakad ko, nakarating ako sa section ng petshop. May mga ibinibentang mga tuta, kuting at iba pa.
Hanggang sa makarating ako sa tindahan ng mga ibon.
Nakita kong may itinitindang kuwago na nasa hawla! (Itutuloy)
- Latest