EDITORYAL - Gamot at bakuna nasayang lang
Ayon sa audit report ng Commission on Audit (COA), nasa mahigit P11-bilyon ang nasayang na gamot at bakuna dahil sa kawalan ng sapat na pagpaplano sa procurement at mahinang sistema sa distribution at monitoring ng Department of Health (DOH). Dahil sa kamalian ng DOH, malaking pondo ng pamahalaan ang nasayang. Sa report ng COA, ang expired supplies ay nagkakahalaga ng P11,186,368,902.47 kabilang ang 7,035,161 vials ng COVID-19 vaccines na na-expired sa mga bodega ng DOH.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga na-expired na gamot at bakuna para sa COVID-19. Noong 2022, nasa 20.6 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19 ang nag-expire noong Hulyo 31, 2022. Ang nakadidismaya, marami ang hindi nabakunahan dahil maraming hinihinging requirements sa mga magpapabakuna. Mayroong walk-in na magpapabakuna pero tinanggihan dahil wala raw maipakitang ID at iba pang pagkakakilanlan. Dahil sa kahigpitan, na-expired ang bakuna sa halip na napakinabangan.
Noong 2023, marami ring expired na bakuna para sa COVID-19 ang sinunog lamang. Ayon sa report, 44 milyon ng mga na-expired na COVID-19 vaccine ang sinunog sa pamamagitan ng tinatawag na pyrolysis. Ang pagsunog sa mga expired na bakuna ay nagkaroon pa ng hearing sa pamamagitan ng Senate Blue Ribbon Committee kasama ang mga tauhan ng DOH. Naging problema kung saan dadalhin ang abo ng mga sinunog na COVID-19 vaccine. Sinabi ng DOH na karamihan sa mga nasayang na bakuna ay mula sa LGUs at pribadong sektor.
Lagi nang maraming nasasayang na gamot dahil na-expired na. Hindi naipamahagi. Habang marami ang nasasayang na gamot at nabubulok lamang sa warehouse ng DOH, marami namang mahihirap na Pilipino ang hindi nakakatikim ng gamot at naghihintay na lamang ng kamatayan dahil sa karukhaan ng buhay.
Nakakadismaya na hinahayaang ma-expired kaysa ipamahagi sa mga walang maibili ng gamot. Mas ginugusto pang sunugin kaysa pakinabangan.
Sana, bago ma-expired ang mga gamot ay ipamahagi na.
Dahil sa maling sistema ng DOH sa pagpaplano ukol sa procurement ng mga gamot, nasasayang ang mga ito at malaking pera ng bansa ang nawawaldas. Magkaroon sana ng tamang paraan ang DOH upang maiwasan ang pag-aaksaya sa mga gamot at bakuna.
- Latest