^

Punto Mo

Boto ng Gen Z ang ating pag-asa

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

DALAWAMPUNG milyong botante sa eleksyon 2025 ay kabilang sa Generation Z o may edad 27 pababa, ayon ito sa Comelec. Ang Gen Z ay kilala sa tawag na digital natives, sapagkat isinilang ang mga ito sa mga taong 1997 hanggang 2012, ang tinaguriang internet age.

May 65 milyong rehistradong botante sa darating na eleksyon, kaya’t ang 20 milyong Gen Z ang magdadala sa resulta ng eleksyon. Ang mga kabataang ito ang magdidikta sa kinabukasan ng Pilipinas, babago sa laro ng pulitika, magpipinta ng bagong political landscape sa ating bansa. Mananalo na kaya ang mga kandidatong karapat-dapat? Katapusan na kaya ng political dynasty? Wala na kayang mananalong kandidato na namili ng boto o dahil lang sa popular?

Para masagot ito, kailangang mapag-aralan natin ang mga nangingibabaw na katangian ng Gen Z na tinagurian ding mga post millennials. Naririto ang magaganda nilang katangian: Digital—bihasa sa teknolohiya; global—malawak ang kaalaman sa kaganapan sa iba’t ibang bansa; social—mahalaga sa kanila ang nakakonekta sa ibang tao kung kaya’t babad sila sa social media; mobile—mahilig silang magbiyahe at ayaw nilang nagtatagal sa isang lugar; at visual—ang atraksyon nila’y hindi lamang sa naririnig, kundi sa nakikita.

Sa kabuoan, ang Gen Z ay may malawak na kaalaman sa mga isyu ng lipunan, mapagmasid, mapanuri, at may mataas na pagpapahalaga sa karapatan at kalayaan. Gayunman, ang Gen Z ay madaling maigupo ng pang-aalala at depression, kung kaya’t isyu sa marami sa kanila ang kalusugan ng kaisipan.

Mababa ang pagpapahalaga nila sa katapatan at sakripisyo, kung kaya’t napakadali nilang magbago ng trabaho.  Sa halip na katapatan at sakripisyo, mas mahalaga sa kanila ang pera at ginhawa.

Pero mas maraming magandang katangian, kaysa pangit, ang Gen Z. Sa puntong ito, may dahilan para tayo umasa sa magandang resulta ng darating na eleksyon. Sapagkat maalam sila sa mga isyung panglokal at pang-internasyonal, mas magiging mataas ang pamantayan nila sa isang lider. Baka walang appeal sa kanila ang kandidatong popular lang, ngunit walang alam. Baka hindi nila gugustuhin ang isang kandidatong bumibili ng boto, sapagkat mataas ang pagpapahalaga nila sa kalayaan ng pamimili. Baka hindi nila iboboto ang mga kandidatong nasangkot sa katiwalian at pagyurak sa karapatan ng tao, sapagkat mataas ang pagpapahalaga nila sa karapatan. Baka hindi sila madaling maloloko ng fake news, sapagkat maalam sila sa teknolohiya. Baka gugustuhin nila ang kandidatong magsusulong ng modernisasyon ng transportasyong pampubliko, sapagkat mahilig sila sa paglalakbay. Baka susuportahan nila ang partido pulitikal o party list na nagsusulong ng hustisya, karapatang pangtao, pangangalaga sa kalusugang pisikal at mental, at konserbasyon ng kalikasan.

Maraming baka, sapagkat mangyayari lamang ang lahat ng binanggit natin kung isusulat ng mga botanteng Gen Z sa kanilang balota ang pangalan ng mga kandidatong tumutugon sa magaganda nilang katangian, kung sila’y boboto ayon sa kanilang konsensya, at hindi sa dikta ng pera o anumang pangsariling konsiderasyon.

Sinabi ni Dr. Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Sa ating panahon, idaragdag natin, na ang Gen Z ang pag-asa ng ating bayan. Sila ang magiging pag-asa natin sa eleksyon 2025 kung lalabas sila para bumoto. Kung pupunta sila sa mga presinto na dala-dala nila ang kanilang konsensiya.

COMELEC

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with